Pumunta sa nilalaman

MAYO 17, 2017
KAZAKHSTAN

Ibinilanggo ng Kazakhstan ang May-sakit na Saksi ni Jehova at Ipinagbawal ang Kaniyang Pagsamba

Ibinilanggo ng Kazakhstan ang May-sakit na Saksi ni Jehova at Ipinagbawal ang Kaniyang Pagsamba

ALMATY, Kazakhstan—Noong Mayo 2, 2017, hinatulan ng isang korte sa Astana, kabisera ng Kazakhstan, si Teymur Akhmedov, ng limang-taóng pagkabilanggo dahil sa kaniyang mapayapang pagtuturo ng Bibliya, na itinuring ng hukuman bilang “panunulsol ng di-pagkakasundo sa relihiyon” at “pagtataguyod ng kahigitan [ng kaniyang relihiyon].” Bukod sa pagkabilanggo, ipinataw rin ng hukom kay Mr. Akhmedov ang pagbabawal na makibahagi sa pagtuturo ng Bibliya sa loob ng tatlong taon. Ang desisyong ito ay naglalagay kay Mr. Akhmedov, 61 anyos, may asawa at tatlong anak na lalaki, sa mapanganib na sitwasyon dahil kailangan niyang ipagamot ang kaniyang nagdurugong tumor at ipinagkait ito sa kaniya. Iaapela ni Mr. Akhmedov ang naging desisyon ng hukuman. Ang apela ay malamang na dinggin sa bandang huli ng Mayo o maaga sa Hunyo.

Ang desisyon ang pinakabago at nakababahalang pangyayari sa isang legal na usapin na nagsimula noong Enero 18, 2017, nang arestuhin at paratangan ng National Security Committee ng Kazakhstan si Mr. Akhmedov sa ilalim ng kontrobersiyal na Article 174(2) ng Criminal Code ng Kazakhstan. Mula noon si Mr. Akhmedov ay ikulong sa loob ng ilang buwan at pinagkaitan ng medikal na paggamot. Si David A. Semonian, isang tagapagsalita sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi, ay nagsabi: “Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay lubhang nababahala sa kapakanan ni Teymur. Umaasa kami na ibabasura ng mga awtoridad ang di-makatuwirang mga paratang na ito at payagang makapiling ng matapat at masunurin sa batas na Kristiyanong ito ang kaniyang pamilya at mabigyan siya ng kailangang-kailangan niyang paggamot.”

Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova ang ginawang ito ng korte sa Astana bilang katibayan na sinusunod ng Kazakhstan ang relihiyosong pag-uusig na ginagawa ng Russia, lalo na sa desisyon ng Supreme Court ng Russian Federation na kumpiskahin ang Administrative Center ng mga Saksi ni Jehova sa Russia. Sinabi ni Mr. Semonian: “Gaya ng kalagayan ng aming pagsamba sa Russia, si Teymur Akhmedov ay biktima ng isang batas na kunwari’y dinisenyo para hadlangan ang terorismo na maling ikinakapit sa aming pagsamba. Nanawagan na sa Kazakhstan ang internasyonal na mga kalipunan, kabilang na ang United Nations Human Rights Committee at ang United States Commission on International Religious Freedom, na itigil na ang maling paggamit ng gayong mga batas para pag-usigin ang mapayapang pagsamba.” Sinabi niya bilang pagtatapos: “Nababahala kami sa lahat ng aming kapuwa mananamba sa Kazakhstan, at umaasa kaming hindi na sila liligaligin pa sa kanilang pagtuturo ng Bibliya, na napatunayan nang nakatutulong sa mga komunidad sa buong daigdig. Susubaybayan namin ang kalalabasan ng kasong ito.”

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000

Kazakhstan: Bekzat Smagulov, +7-747-671-45-01