Pumunta sa nilalaman

HULYO 6, 2017
KAZAKHSTAN

Sinuspende ng Kazakhstan ang Gawain ng Pambansang Punong-Tanggapan ng mga Saksi

Sinuspende ng Kazakhstan ang Gawain ng Pambansang Punong-Tanggapan ng mga Saksi

Noong Hunyo 29, 2017, pinagmulta ng isang korte sa Almaty, Kazakhstan, ang Christian Center of Jehovah’s Witnesses in Kazakhstan (Center) at sinuspende ang lahat ng gawain nito sa loob ng tatlong buwan. Ang desisyon ng korte ay batay sa isang inspeksiyon, at sinabing kailangan ng Center ng 3 pang security camera, bukod sa 25 nakakabit na, para makasunod ito sa batas may kinalaman sa pampublikong mga lugar. Pero noong Pebrero 6, 2017, inaprobahan ng mga awtoridad ng Estado ang isang opisyal na plano para sa property ng Center. Makikita rito ang lokasyon ng lahat ng security camera. Dahil sa pag-aproba sa opisyal na planong iyon, pinagtibay ng mga awtoridad ng Estado na nakakasunod sa batas ang Center.

Sinabi ni Polat Bekzhan, na chairman ng Center: “Ang desisyon na suspendihin ang lahat ng gawain ng Center ay isang napakalaking kaparusahan para sa sinasabing paglabag. Iniaapela namin ang desisyon, na waring naudyukan ng kawalang-pagpaparaya sa relihiyon.”

Paghadlang ng mga Opisyal sa mga Gawain ng Center

Ang mga Saksi ni Jehova sa Kazakhstan ay napapaharap sa pangha-harass ng mga opisyal. Bago ang desisyon noong Hunyo 29 ni Judge N. M. Pakirdinov ng Specialized Interdistrict Administrative Court, ang Center ay ni-raid noong Mayo 17 ng mga awtoridad na nagpanggap na nagsasagawa ng inspeksiyon sa seguridad. Umaga nangyari ang raid, at pinangunahan ito ng State National Security Services (dating kilalá bilang KGB) at ng mahigit 30 opisyal. Mayroon ding mga SWAT, na nakamaskara at may dalang machine gun. Sinabi nilang sinusunod lang nila ang isang utos na inspeksiyunin ang pampublikong mga lugar para tiyakin ang seguridad bago ang Expo 2017, na nagsimula sa lunsod ng Astana noong Hunyo 2017.

Mayo 17, 2017, ni-raid ang Center

Noong Hunyo 23-25, 2017, nagsaayos ang mga Saksi ni Jehova ng tatlong-araw na pantanging kombensiyon, na dinaluhan ng mga delegado mula sa United States, Europe, Ukraine, Georgia, Kyrgyzstan, at iba pang bansa. Pero bago ang kombensiyon, hinadlangan ng mga awtoridad ang mga kontrata para sa mga venue ng kombensiyon, at kinansela ang mga kontrata. Kaya ang 1,500 delegado at ang lokal na mga Saksi ay nagtipon sa property ng Center para sa relihiyosong okasyong ito.

Hunyo 23, 2017, hinadlangan ng mga pulis ang mga delegadong papunta sa kombensiyon

Sa unang araw ng kombensiyon, dahil sa diumano’y pagsusuri sa dokumento ng mga drayber ng bus, pinigilan ng mga pulis sa loob ng dalawang oras ang 11 bus pati na ang mga 500 delegado habang nasa hotel ang mga ito na makabiyahe. Sa ikalawang araw, dahil muli sa diumano’y pagsusuri sa dokumento ng mga drayber ng bus, pinigilan naman ng mga pulis nang hanggang tatlong oras ang 20 bus pati na ang 900 delegado habang nasa hotel ang mga ito na makabiyahe.

Nagsampa ng reklamo ang Center sa Almaty Prosecutor’s Office. Bagaman hindi tumugon ang prosecutor’s office, hindi na ginipit ng mga pulis ang mga Saksi noong ikatlong araw ng kombensiyon. Pero apat na araw lang pagkatapos ng kombensiyon, inilabas ng administrative court sa Almaty ang desisyon nito na suspendihin ang gawain ng Center.

Nagpanukala ng Kaguluhan sa Pamamagitan ng Batas

Mula noong Disyembre 2012, lalo pang hinigpitan ng gobyerno ng Kazakhstan ang relihiyosong kalayaan ng mga Saksi ni Jehova sa buong bansa. Ang gobyerno ay nagpataw ng napakalaking multa sa mahigit 60 Saksi ni Jehova dahil sa hindi nakarehistrong “gawaing misyonero.”

Noong Enero 2017, sinampahan ng mga awtoridad sa Kazakhstan ang mga Saksi ni Jehova ng dalawang kasong kriminal dahil sa pagbabahagi ng kanilang relihiyosong paniniwala. Noong Mayo, si Teymur Akhmedov ay ikinulong dahil sa kaniyang relihiyosong gawain at nasentensiyahang mabilanggo nang limang taon. Sa isa pang kaso, iniimbestigahan ng mga pulis ang isang Saksi sa paratang na panunulsol ng pagkakapootan sa relihiyon dahil nag-alok siya ng isang relihiyosong publikasyong ipinagbawal ng mga awtoridad sa Russia bilang “ekstremistang” literatura.

Gagayahin Ba ng Kazakhstan ang Pagtrato ng Russia sa mga Saksi ni Jehova?

Ilang beses nang nakipagkita ang mga Saksi sa Committee of Religious Affairs para pag-usapan ang kanilang karapatang malayang sumamba pero walang gaanong nangyari. Pero sa pagkukusa ng General Prosecutor’s Office (GPO), sinuri ng Supreme Court ng Kazakhstan ang kaso ni Andrey Korolyov, isang Saksi ni Jehova na nabilanggo dahil sa pagbabahagi sa publiko ng kaniyang relihiyosong paniniwala. Sa desisyon nito noong Hunyo 1, 2017, pinawalang-sala ng Korte si Mr. Korolyov, na kinikilalang pinoprotektahan ng karapatan sa kalayaan ng relihiyon ang mapayapang paghahayag sa publiko ng paniniwala. Bagaman tiniyak ng GPO sa mga Saksi na ilalabas nito ang desisyon na pabor sa kanila, ayaw pa ring sundin ng mababang mga hukuman ang desisyong iyon at muling ikinukulong ang mga Saksi ni Jehova dahil sa gawain nilang misyonero na diumano’y hindi nakarehistro.

Si Gregory Allen, ang Assistant General Counsel para sa mga Saksi ni Jehova, ay nagsabi: “Nakalulungkot makita na ginagaya ng Kazakhstan ang walang-saligang mga paratang ng Russia para hadlangan ang internasyonal na kinikilalang karapatan sa kalayaan ng relihiyon. Natatakot kami na ang desisyon noong Hunyo 29 na sumususpende sa gawain ng Center ay higit pa sa kung ano lang ang nakikita, at umaasa kami ng katarungan sa aming apela laban sa paghadlang na ito.”

Ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay nababahala na ipinahihiwatig ng mga pangyayaring ito kamakailan na ipagbabawal na ng mga awtoridad sa Kazakhstan ang kanilang mga kapananampalataya, kagaya ng mga pagsisikap na ginagawa laban sa mga Saksi ni Jehova sa Russia.