DISYEMBRE 21, 2017
KAZAKHSTAN
Ibinasura ng Korte Suprema ng Kazakhstan ang Apela ni Teymur Akhmedov
Noong Disyembre 4, 2017, ibinasura ng Korte Suprema ng Kazakhstan ang apela ni Teymur Akhmedov sa di-makatarungang hatol sa kaniya. Hinatulan siya dahil ilegal daw ang kaniyang relihiyosong gawain samantalang ibinabahagi lang niya sa iba ang relihiyosong mga paniniwala niya. Nakakulong si Mr. Akhmedov mula pa nang arestuhin siya noong Enero 18, 2017 dahil sa entrapment na pinangunahan ng mga secret police. Hinatulan siyang may-sala ng district court noong Mayo at pinatawan ng limang-taóng pagkabilanggo. Pinagtibay ng court of appeals ang desisyong ito noong Hunyo 20, 2017.
Nang isaalang-alang ang apela niya, binale-wala ng Korte Suprema ang kamakailang desisyon ng UN Working Group on Arbitrary Detention laban sa Kazakhstan dahil sa di-makatarungang pagbilanggo kay Mr. Akhmedov at sa paglabag sa kaniyang kalayaan sa relihiyon. Kahit mahina ang kalusugan ni Mr. Akhmedov, malakas pa rin ang pananampalataya niya at buo ang tiwala niya sa Diyos. Nagpapasalamat si Mr. Akhmedov sa lahat ng pagsisikap na ginagawa para makalaya siya agad kahit hindi pa rin ito nagtatagumpay. Nagpapasalamat din siya sa mga kapananampalataya niya sa buong mundo na patuloy na nananalangin para sa paglaya niya.