PEBRERO 22, 2018
KAZAKHSTAN
Pakiusap sa mga Awtoridad sa Kazakhstan na Palayain si Teymur Akhmedov
Tumitindi ang pag-aalala ng pamilya at mga kaibigan ni Teymur Akhmedov sa kalagayan niya. Si Mr. Akhmedov, isang Saksi ni Jehova, ay 61 taóng gulang, at mahina na ang kalusugan niya bago pa siya mabilanggo mahigit isang taon na ang nakalilipas. Noong Pebrero 8, 2018, inoperahan siya para alisin ang dalawang tumor, at ang isa rito ay malignant. Nakiusap ang pamilya at mga abogado niya sa mga awtoridad na palayain siya dahil nag-aalala sila sa kalagayan niya sa bilangguan sa Pavlodar at kailangan niya ng higit pang medikal na pangangalaga. Hindi pa rin pinapansin ang mga pakiusap nila.
Ang mga korte sa Kazakhstan ay nagbaba ng malupit na hatol kay Teymur Akhmedov—limang-taóng pagkabilanggo, na magtatapos sa 2022. Ang ginawa ni Mr. Akhmedov ay kaayon lang ng karapatan niya sa kalayaan sa relihiyon, pero inaresto siya at kinasuhan ng mga awtoridad. Isinama pa nila ang pangalan niya sa listahan ng mga taong iba-block ang bank account dahil pinaghihinalaan silang konektado sa terorismo. Ibinasura ng mga korte sa Kazakhstan ang lahat ng apela.
Ang UN Working Group on Arbitrary Detention ay nagpadala na ng opinyon sa gobyerno ng Kazakhstan, na humihimok sa mga awtoridad na palayain si Mr. Akhmedov at ipawalang-sala ito sa maling mga paratang. Bukod diyan, hiniling ng UN Human Rights Committee na palayain agad siya ng Kazakhstan dahil sa mahina niyang kalusugan.
Sinabi ng abogado ni Mr. Akhmedov: “Ang di-makatarungang pagkabilanggo ni Teymur, na mahina ang kalusugan at nangangailangan ng medikal na pangangalaga, ay humihingi ng katarungan. Kagaya ng paghimok ng mga ahensiya ng UN, nakikiusap kami sa mga awtoridad sa Kazakhstan na magpakita ng awa at palayain agad si Teymur.”