HUNYO 28, 2017
KAZAKHSTAN
Pinagtibay ng Kazakhstan Court ang Di-makatarungang Hatol kay Teymur Akhmedov
Noong Hunyo 20, 2017, ibinasura ng Astana City Court ang apela ni Teymur Akhmedov sa kasong kriminal na isinampa laban sa kaniya, at pinagtibay ang limang-taóng pagkabilanggo at karagdagang tatlong-taóng pagbabawal sa kaniyang relihiyosong gawain. Isang abogado ng international human rights na naroroon sa korte noong Hunyo 20, ay nagsabi: “Isa itong pagpilipit sa katarungan dahil napakaraming ebidensiya ang sumusuporta kay Mr. Akhmedov.” Pinag-iisipan ng kaniyang mga abogado na umapela pa.
Noong Enero 2017, inaresto at ikinulong ng mga opisyal ng National Security Committee si Mr. Akhmedov dahil sa paratang na ilegal na relihiyosong gawain. Nakakulong pa rin siya hanggang sa paglilitis sa kaniya noong Mayo 2, 2017, nang di-makatarungang hatulan siya ng Saryarkinskiy District Court batay sa Article 174 (2) ng Criminal Code ng Kazakhstan, na nagpaparusa sa panunulsol ng pagkapoot sa ibang relihiyon. Mariing tinutulan ni Mr. Akhmedov ang maling paratang, na ikinakatuwirang ipinahahayag lang niya ang kaniyang relihiyosong paniniwala at pag-ibig sa kaniyang kapuwa. Ang pagsasabi ng relihiyosong paniniwala ay isang mahalagang karapatan na iginagarantiya ng Konstitusyon ng Kazakhstan at ng mga ahensiya ng international human rights na obligadong sundin ng Kazakhstan.