Pumunta sa nilalaman

ABRIL 18, 2018
KAZAKHSTAN

Teymur Akhmedov—Pinalaya sa Pamamagitan ng Presidential Pardon

Teymur Akhmedov—Pinalaya sa Pamamagitan ng Presidential Pardon

Noong Abril 2, 2018, pinawalang-sala ni President Nursultan Nazarbayev ang 61-taóng-gulang na si Teymur Akhmedov, na nakulong nang mahigit isang taon batay sa imbentong mga paratang. Dahil sa presidential pardon na ito, binura ang kaniyang criminal record. Nalaman ni Mr. Akhmedov ang pagpapatawad sa kaniya noong Abril 4 at pinalaya siya sa pagkakakulong habang nagpapagaling mula sa operasyon sa ospital. Kasama na niya ngayon ang kaniyang pamilya at mas madaling makukuha ang mahalagang medikal na paggamot na kailangan niya para labanan ang kanser.

Pag-aresto, Kulungan, at Di-makatarungang Pagkakulong

Si Mr. Akhmedov, na isang Saksi ni Jehova, ay inaresto at ikinulong noong Enero 18, 2017, dahil lang sa pagsasabi sa iba ng kaniyang paniniwala. Ilang buwan bago siya maaresto, nakikipag-usap siya sa mga lalaki na kunwari’y interesado sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga lalaki ay nakikipagsabuwatan sa secret police ng Kazakhstan, ang National Security Committee (KNB), at palihim na inirerekord ang usapan. Batay sa mga rekording na ito, inaresto ng KNB si Mr. Akhmedov at inakusahan ng “pagsusulsol ng relihiyosong kaguluhan” at pagtataguyod ng “kahigitan ... batay sa [kaniyang] relihiyon” sa ilalim ng Article 174(2) ng Criminal Code ng Kazakhstan.

Pagkaaresto sa kaniya, pinagtatanong ng pulis si Mr. Akhmedov at ikinulong nang tatlong buwan bago pa man litisin. Noong Mayo 2, 2017, hinatulan siya ng korte nang limang-taóng pagkakakulong at pinatawan ng karagdagang tatlong-taóng pagbabawal sa kaniyang relihiyosong gawain.

Ang mga abogado ni Mr. Akhmedov ay nagsampa ng maraming apela para sa paglaya niya, pero ibinasura ng korte ang lahat ng ito. Nang magamit na niya ang lahat ng kaniyang karapatang legal sa Kazakhstan, humingi siya ng tulong sa mga international tribunal. Nagsumite siya ng reklamo sa UN Working Group on Arbitrary Detention (WGAD) at sa UN Human Rights Committee.

Noong Oktubre 2017, kinondena ng WGAD ang Kazakhstan sa pagkulong kay Mr. Akhmedov at hinimok ang gobyerno na palayain ito agad, yamang ang mga ginawa niya ay “lubusang mapayapa at naaayon sa kaniyang kalayaan sa pagsamba.” Noong Enero 2018, tinanggap ng Human Rights Committee ang apurahang aplikasyon ni Mr. Akhmedov at nagharap bilang pansamantalang paraan, na gumawa ng hakbang ang Kazakhstan para tiyaking makatatanggap siya ng sapat na medikal na paggamot. Inirekomenda rin ng Human Rights Committee na pag-isipan ng Kazakhstan na permanenteng palayain siya, habang hinihintay ang desisyon sa kaniyang reklamo.

Pinalaya sa Wakas

Sina Teymur at Mafiza Akhmedov, pagkatapos tumanggap ng pardon

Sa panahon ng kaniyang pagkakakulong, patuloy na lumala ang problema sa kalusugan ni Mr. Akhmedov. Maaga nang taóng iyon, sinabihan siya ng mga doktor na nagkaroon siya ng sigmoid colon cancer at patuloy na lumalala ang kaniyang kalagayan. Dahil sa desisyon ng Human Rights Committee tungkol sa pansamantalang mga hakbang at iba pang kahilingan mula sa internasyonal na mga organisasyon, hiniling ng mga opisyal ng Kazakhstan na magsumite si Mr. Akhmedov kay President Nazarbayev ng isang aplikasyon, para humihingi ng pardon.

Nag-aplay siya para sa pardon noong Marso 5, 2018, at hiniling na apurahang isaalang-alang ang kaniyang aplikasyon, yamang kailangan niyang magamot para hindi kumalat ang kaniyang kanser. Samantala, inilipat ng mga opisyal ng kulungan si Mr. Akhmedov sa Almaty, Kazakhstan, kung saan inoperahan siya noong Marso 27, 2018.

Magpapakita ba ang Kazakhstan ng Higit na Paggalang sa Kalayaan sa Pagsamba?

Masaya si Mr. Akhmedov, ang kaniyang asawa na si Mafiza, at ang kanilang mga anak, dahil natapos na ang matinding pagsubok niya. Nagpapasalamat din sila na binura ni President Nazarbayev ang kaniyang criminal record. Dahil siya ay di-makatarungang hinatulan bilang kriminal, kinuha ng gobyerno ang kaniyang pera sa bangko, na nagdulot ng matinding paghihirap sa kaniyang asawa noong makulong siya.

Inaasahan ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na ang pagpapawalang-sala kay Mr. Akhmedov ay nagpapahiwatig na bibigyan na ng mga opisyal ng Estado sa Kazakhstan ng higit na kalayaan ang mga Saksi na isagawa ang mapayapa nilang pagsamba nang walang hadlang.