Pumunta sa nilalaman

Larawan ng direktiba na inilabas ng Kenya Ministry of Education

HUNYO 7, 2022
KENYA

Nagpalabas ng Direktiba ang Gobyerno ng Kenya na Protektahan ang Karapatan ng mga Batang Mag-aarál

Nagpalabas ng Direktiba ang Gobyerno ng Kenya na Protektahan ang Karapatan ng mga Batang Mag-aarál

Nagpalabas kamakailan ang Ministry of Education sa Kenya ng isang direktiba na dapat protektahan ng mga opisyal ng paaralan ang mga karapatan sa pagsamba ng mga estudyante. Ang direktiba ay inilabas noong Marso 4, 2022. Inaasahan na poprotektahan nito ang mga karapatan ng mga anak ng mga Saksi ni Jehova na naging biktima ng diskriminasyon sa loob ng maraming taon.

Mula noong 2015, 36 na anak ng mga Saksi ni Jehova ang pinaalis o sinuspende dahil sa hindi pakikibahagi sa mga relihiyosong seremonya na ipinag-uutos ng paaralan. Noong 2018, nakipagkita ang mga kinatawan mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Nairobi sa mga opisyal ng edukasyon sa Kenya para hingin ang kanilang tulong na ihinto ang diskriminasyon. Halimbawa, noong Oktubre 23, 2018, nakipagkita ang mga kinatawan kay Dr. Amina Mohamed, na noon ay ang Cabinet Secretary for Education.

Inaamin ng direktiba ng gobyerno na “ginagamit ng ilang ‘administrador’ ng paaralan sa Kenya ang mabababaw na dahilan para hindi pumasok sa paaralan ang mga estudyante.” Tinukoy ng direktiba na “halimbawa, . . . hindi tinatanggap o pinapaalis sa paaralan ang mga estudyante dahil sa kanilang relihiyon.”

Gaya ng iniulat ng mga pahayagan sa Kenya, muling tiniyak ng direktiba na “ang paglabag sa mga karapatan sa pagsamba ay laban sa pambansang batas, panrehiyon at internasyonal na mga kombensiyon, . . . partikular na, sa Konstitusyon ng Kenya.” Kaya ang mga anak ng Saksi at ng iba pa ay hindi puwedeng hilingang “sumunod o makibahagi sa isang utos na labag sa kaniyang relihiyon.” Nagtatapos ito sa pagsasabi na dapat ipatupad ng lahat ng opisyal ng paaralan ang direktiba.

Sinabi ni Kimberly Nyang’ate, isang 17 anyos na sister sa Nairobi: “Mahigit limang beses pong ipinatawag ang mga magulang ko sa paaralan dahil tumanggi akong makibahagi sa relihiyosong mga seremonya. Natutuwa po ako na mayroong ganitong direktiba na poprotekta sa paninindigan namin batay sa Bibliya.”

Nagpapasalamat tayo na inilabas ng makatuwirang mga opisyal ang direktibang ito na tutulong sa mga anak ng mga Saksi ni Jehova na nag-aaral sa Kenya na patuloy na manindigan sa relihiyosong paniniwala nila.—1 Corinto 15:58.