DISYEMBRE 23, 2021
KYRGYZSTAN
Nilabag ng Kyrgyzstan ang Karapatan ng mga Saksi ni Jehova, Sabi ng Human Rights Committee
Nagkakaisang kinondena ng 15 miyembro ng United Nations Human Rights Committee (CCPR) ang Kyrgyzstan dahil sa paglabag nito sa saligang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na isagawa ang kanilang relihiyon sa tatlong rehiyon ng bansa. Sa pitong-pahinang desisyon, iniutos ng CCPR sa Kyrgyzstan na bigyan ang mga Saksi ng “sapat na bayad-pinsala” at “gawin ang lahat ng kailangang hakbang para hindi na maulit pa ang gayong mga paglabag sa hinaharap.” Ito ang ikalawang pagkakataon na kinondena ng CCPR ang Kyrgyzstan dahil sa paglabag sa mga karapatan ng mga Saksi.
Ang unang grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Kyrgyzstan ay nairehistro noong 1993, at nairehistro na sila sa buong bansa mula 1998. Kaya sa loob ng maraming taon, malayang nakakasamba ang mga Saksi sa buong bansa. Pero, sa mahigit na 10 taon, ayaw irehistro ng State Committee on Religious Affairs (SCRA) ang tatlong bagong relihiyosong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa timugang rehiyon ng Osh, Naryn, at Jalal-Abad. Nangyari ito sa kabila ng paulit-ulit na pag-aaplay ng mga kapatid doon. Dahil tumanggi ang SCRA na marehistro ang mga Saksi ni Jehova sa mga rehiyong iyon, hindi pinapayagan ang mga kapatid na isagawa ang kanilang relihiyosong paniniwala, magdaos ng relihiyosong pagpupulong at mga asamblea, at bumili o gumamit ng property bilang dako ng pagsamba. Kaya nagdesisyon ang CCPR na hindi patas ang pagtrato ng Kyrgyzstan sa mga Saksi ni Jehova sa tatlong rehiyon batay sa kanilang relihiyosong paniniwala.
Inaasahan ng CCPR na ‘gagawin ng mga awtoridad sa Kyrgyzstan ang lahat ng kailangang hakbang para hindi na maulit pa ang gayong mga paglabag sa hinaharap.’ May 180 araw ang Kyrgyzstan para ipaalam sa CCPR ang pagsunod nito sa desisyon.
Hindi pa natin alam kung susundin ng mga opisyal ng Kyrgyzstan ang desisyon ng CCPR at papayagan ang mga kapatid natin sa mga rehiyong iyon na isagawa ang kanilang relihiyosong paniniwala. Pero maingat na sinusubaybayan ng mga eksperto sa karapatang pantao sa Forum 18 ang sitwasyon at iniulat nila na “binale-wala [ng SCRA] ang katulad na desisyon ng UN noong 2019.”
Sundin man o hindi ng Kyrgyzstan ang utos ng UN, makakatiyak tayo na alam ni Jehova ang tinitiis ng mga kapatid natin sa Kyrgyzstan. (Awit 37:18) Patuloy na pagpapalain ng ating maibiging Ama sa langit ang kanilang katapatan at lakas ng loob.—Awit 37:28.