Pumunta sa nilalaman

MARSO 2, 2015
KYRGYZSTAN

Kalayaan sa Relihiyon sa Kyrgyzstan, Pagpapasiyahan

Kalayaan sa Relihiyon sa Kyrgyzstan, Pagpapasiyahan

Noong Setyembre 4, 2014, sumulong ang kalayaan sa relihiyon sa Kyrgyzstan nang ideklara ng Constitutional Chamber of the Supreme Court na ang ilang bahagi ng Religion Law ng 2008 ay labag sa konstitusyon. Dahil dito, maaari nang magparehistro ng relihiyon ang mga Saksi ni Jehova sa timugang rehiyon ng Kyrgyzstan. *

Sa kabila ng desisyong ito, ayaw pa rin ng State Committee on Religious Affairs (SCRA) na mairehistro nang legal ang relihiyon ng mga Saksi sa timugang rehiyon ng Kyrgyzstan. Iginigiit ng SCRA na hangga’t hindi inaamyendahan ng parlamento ang Religion Law ng 2008, ang batas ay may bisa pa rin kung kaya hindi pa maaaring makakuha ng legal na katayuan ang mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, ang relihiyosong gawain na nakarehistro at malayang naisasagawa sa hilagang rehiyon ng Kyrgyzstan ay tinatrato nang may diskriminasyon at paghihigpit sa timugang rehiyon nito. *

Inaresto Dahil sa Di-nakarehistrong Relihiyosong Gawain

Noong Hunyo 30, 2014, sa Naryn, isang lunsod sa timog-silangan ng Kyrgyzstan, ginamit ng 46-anyos na si Zhyldyz Zhumalieva ang kaniyang libreng panahon para ibahagi sa kaniyang mga kapitbahay ang paniniwala niya. Inaresto at kinasuhan siya ng mga awtoridad sa Naryn dahil sa pagbabahagi niya sa mga kapitbahay ng kaniyang paniniwala bilang miyembro ng di-nakarehistrong relihiyosong organisasyon doon. * Ito ang kauna-unahang pagkakataon mula nang maging malaya ang Kyrgyzstan na isang Saksi ang kinasuhan dahil sa pagsasagawa ng relihiyosong gawain.

Dahil sa apela, dininig ng Naryn District Court ang kaso laban kay Ms. Zhumalieva noong Agosto 5, 2014. Maraming tanong ang mga hukom tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa mensaheng ibinabahagi nila sa kanilang kapuwa. Matapos suriin ang ebidensiya, sinuspende ng mga hukom ang kaso hangga’t hindi pa nailalabas ang desisyon ng Constitutional Chamber.

Pagkatapos, muling dininig ng Naryn District Court ang kaso ni Ms. Zhumalieva. Walang nakitang anumang paglabag ang korte at sinabi nito na ang lahat ng mamamayan ay may konstitusyonal na karapatang magsagawa ng kanilang relihiyosong paniniwala. Nangatuwiran ang korte sa desisyon ng Constitutional Chamber, at itinawag-pansin nito na ang mga Saksi ni Jehova ay nakarehistro sa buong bansa ng Kyrgyzstan. Kinansela nito ang hatol ng trial court, pero umapela ang prosecutor na nagsasabing walang kaugnayan sa kasong kriminal ang desisyon ng Constitutional Chamber. Noong Disyembre 24, 2014, ibinasura ng Supreme Court ang apela ng prosecutor at pinanatiling may bisa ang pagpapawalang-sala ng Naryn District Court kay Ms. Zhumalieva, at sa gayo’y pinagtibay ang karapatan niyang ibahagi ang kaniyang relihiyosong paniniwala sa mga kapitbahay niya.

Nakamit ang Katarungan sa Kabila ng Gawa-gawang Paratang sa Osh

Noong 2013, si Oksana Koriakina at ang nanay niyang si Nadezhda Sergienko ay inilagay sa house arrest dahil sa diumano’y nagawang mga krimen habang ibinabahagi ang kanilang paniniwala. Ginamit ng mga opisyal sa Osh ang gawa-gawang paratang na ito para angkinin na ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasagawa ng “ilegal na relihiyosong gawain.” Iginiit ng mga opisyal na dahil ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakarehistro bilang isang lokal na relihiyosong organisasyon, hindi sila maaaring magsagawa ng kanilang relihiyosong gawain sa publiko.

Pinawalang-sala ng trial court sa Osh ang dalawang babae sa kanilang kasong kriminal. Sa desisyon ng hukom noong Oktubre 7, 2014, sinabi nito na ang mga imbestigador ay nakagawa ng malalaking pagkakamali sa kanilang imbestigasyon at na kinasuhan nila sina Ms. Koriakina at Ms. Sergienko dahil lang sa Saksi ni Jehova ang mga ito.

Umapela ang prosecutor sa Osh na kanselahin ang desisyon ng trial court. Naghain siya ng mosyon na ibalik ang kaso sa mga imbestigador para “maayos” ang mga pagkakamali at muling malitis sina Ms. Koriakina at Ms. Sergienko. Nang ibasura ng appeal court ang mosyon ng prosecutor, umapela siya sa Supreme Court ng Kyrgyzstan. Itinakda ng Korte ang Marso 3, 2015, para sa pagdinig ng kaso, at umaasa ang mga Saksi na sana’y maging makatarungan muli ang desisyon nito.

Isusulong Ba o Hihigpitan ng Kyrgyzstan ang Kalayaan sa Relihiyon?

Isang Saksi ni Jehova na dumalo sa pagdinig kay Ms. Zhumalieva ang nagsabi: “Mula pa noong 1998, nililigalig na kami ng mga opisyal dito sa Naryn dahil hindi kami nakarehistro nang legal. Pero dahil sa mga desisyong ito ng Supreme Court, umaasa kami na sana’y pahintulutan na kaming mairehistro.”

Umaasa ang mga Saksi ni Jehova na mairerehistro na sila sa Naryn, Osh, at saanman sa timugang Kyrgyzstan para maipagpatuloy nila ang kanilang mapayapang pagsamba nang walang panliligalig. Kung susundin ng Kyrgyzstan ang mataas na hukuman nito, maisusulong nito ang kalayaan sa relihiyon ng mga mamamayan nito.

^ par. 2 Tingnan ang artikulong “Kyrgyzstan’s Highest Court Upholds Religious Freedom for Jehovah’s Witnesses” na tungkol sa desisyon ng Constitutional Chamber of the Supreme Court noong Setyembre 4, 2014.

^ par. 3 Ang mga Saksi ay nakarehistro sa buong bansa, pati na sa hilagang rehiyon nito. Pero paulit-ulit na tumatanggi ang mga awtoridad na mairehistro ang mga Saksi sa timugang rehiyon.

^ par. 5 Ipinagbabawal ng Article 395(2) ng Administrative Code of the Kyrgyz Republic ang paglabag sa “batas sa pag-oorganisa at pagsasagawa ng relihiyosong mga pagtitipon, prusisyon, at iba pang relihiyosong seremonya.”