Pumunta sa nilalaman

MAYO 24, 2023
LATVIA

Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Latvian, Idinispley sa Book Fair sa Riga

Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Latvian, Idinispley sa Book Fair sa Riga

Mahigit 21,000 ang dumalo sa Latvian Book Fair sa Riga, Latvia, noong Marso 2023. Ito ang ikapitong beses na sumali ang ating mga kapatid sa fair at ang unang pagkakataon mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic. Excited silang iharap ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Latvian, na ini-release noong 2020.

Partikular na binigyang-pansin ang banal na pangalang Jehova. Nagulat ang mga bisita na malaman na ang pangalang Jehova ay ginamit na pala sa unang salin ng Bibliya sa wikang Latvian, noong 1689. Nagulat din sila nang ipakita sa kanila na ibinalik ng Bagong Sanlibutang Salin ang pangalan ng Diyos sa mahigit 7,000 teksto sa buong Bibliya.

May iba pang aspekto ng Bagong Sanlibutang Salin ang nakatawag ng pansin ng ilan. Kinomentuhan ng isang lalaking nagtatrabaho sa publishing industry ang magandang kalidad ng mga materyales na ginamit sa Bibliya. Sinabi niya na maliwanag na dinisenyo ang Bibliyang ito para basahin araw-araw.

Pagkatanggap ng isang personal na kopya ng Bibliya, sinabi ng isa pang bisita na hangang-hanga siya kasi moderno at madaling basahin ang wikang ginamit sa Bagong Sanlibutang Salin. Sinabi niya na dati, ilang beses niyang sinubukang basahin ang Bibliya, pero itinigil din niya ito kasi mahirap maintindihan ang ibang mga salin. Ngayon, babasahin na niya ang Bagong Sanlibutang Salin kasama ng kaniyang anak na babae. Pagkatapos ng tatlong araw na fair, mahigit 130 kopya ng Bagong Sanlibutang Salin sa Latvian ang naipamahagi.

Ang mga kapatid natin sa loob ng booth sa Latvian Book Fair

Tuwang-tuwa ang mga nakibahagi sa book fair na tulungan ang iba na matuto pa tungkol sa Bibliya at sa Awtor nito. Masayang sinabi ng isang sister: “Ilang araw pa lang, pero ang dami ko nang natulungan na malaman ang pangalan ng Diyos na Jehova. Ngayon ko lang nagawa ’yon!”

Mayroon ngayong mahigit 2,100 mamamahayag sa Latvia. Masaya tayo na natutulungan sila ng modernong salin na ito at lalo silang napapalapít kay Jehova, kasama ng marami pang iba na interesado sa Salita ng Diyos.​—Santiago 1:17.