Pumunta sa nilalaman

Ang kasalukuyang mga pasilidad sa sangay sa Lilongwe, Malawi. Mga nakapaloob na larawan (mula kaliwa sa itaas pakanan): Si Brother Bill McLuckie, ang unang lingkod ng sangay sa Malawi; Kinuha ng mga awtoridad ang tanggapang pansangay noong 1967; Isang sister na masayang nangangaral ngayon

DISYEMBRE 28, 2023
MALAWI

Itinayo ang Unang Tanggapang Pansangay sa Malawi 75 Taon Na ang Nakakalipas

Isang Mahabang Rekord ng Katatagan

Itinayo ang Unang Tanggapang Pansangay sa Malawi 75 Taon Na ang Nakakalipas

Ang taóng 2023 ang ika-75 taon mula nang itayo ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Malawi sa lunsod ng Blantyre noong 1948.

Bago nito, sangay sa South Africa ang nag-oorganisa ng mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Malawi. Mula noong 1930’s, patuloy na dumami ang mga kapatid sa Malawi mula sa 28 lang noong 1934 hanggang sa mahigit 5,600 noong 1948. Habang lumalaki ang bilang ng mga Saksi, binuksan ang unang tanggapang pansangay sa isang maliit na nirentahang apartment sa Blantyre noong Setyembre 1, 1948. Patuloy itong ginamit hanggang sa maitayo sa malapit ang bagong pasilidad ng Bethel noong 1958.

Kaliwa: Mga tagapagsalin sa Chichewa at Chitumbuka sa labas ng tanggapang pansangay na itinayo sa Malawi noong 1958. Kasama sa kanila si Baston Nyirenda (binilugan), na naglilingkod ngayon bilang isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Malawi. Kanan: Si Baston, edad 80, at ang asawa niyang si Violet ngayon

Pagkalipas ng wala pang 10 taon, noong Oktubre 1967, ipinagbawal ng mga awtoridad sa Malawi ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Kaya hindi puwedeng gamitin noon ang tanggapang pansangay. Sa kabila nito, patuloy na inorganisa ng mga tagapangasiwa ang gawaing pangangaral, at pinangalagaan nila ang mga kapatid sa buong bansa. Sa sumunod na halos 26 na taon, dumanas ng matinding pag-uusig at pagmamalupit ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagiging neutral. Nang panahong ito, ang mga kapatid natin ay ibinilanggo, pinahirapan, at pinatay pa nga. Pinili ng ilang kapatid na lumikas sa kalapít na mga bansa, gaya ng Mozambique, Zambia, at Zimbabwe.

Mga kapatid na nagsasalin ng mga publikasyong batay sa Bibliya sa wikang Chichewa

Noong Agosto 12, 1993, inalis ang pagbabawal. Sa sumunod na dalawang taon, ang mga kapatid sa Zambia, na nangasiwa sa gawain sa Malawi nang ilang taon noong panahon ng pagbabawal, ay tumulong sa pag-organisa ng gawain. Pagkatapos, bumili ang mga kapatid ng dalawang bahay sa lunsod ng Lilongwe para maging bagong tanggapang pansangay ng Malawi. Noong 1994, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang planong humanap ng angkop na lugar kung saan itatayo ang bagong pasilidad ng Bethel sa bansa. Noong ialay ang mga pasilidad na ito ng sangay noong Mayo 19, 2001, mahigit 2,000 kapatid ang dumalo sa programa, at marami sa kanila ang deka-dekadang nagtiis ng pag-uusig at nanatiling tapat. Kasama sa mga dumalo sa programa ng pag-aalay si Brother Trophim Nsomba, na naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito noong panahon ng pagbabawal. Sinabi niya tungkol sa bagong mga pasilidad ng sangay at sa pagsulong ng mga Saksi ni Jehova sa Malawi: “Hangang-hanga kami ng asawa ko sa mga pagpapala ni Jehova. Para ’tong panaginip!”

Ngayon, mayroon nang 1,924 na kongregasyon sa Malawi na may mahigit 109,000 kapatid. Kasama dito ang 225 tagapagsalin ng mga literatura sa Bibliya sa pitong wika na nasa sangay ng Malawi sa Lilongwe.

Ilan sa 109,000 kapatid na tapat na naglilingkod ngayon kay Jehova sa Malawi

Dalangin namin na patuloy na pagpalain ni Jehova ang mahal nating mga kapatid sa Malawi na maraming taóng nagtiis ng mga pag-uusig, patunay ng kanilang pagiging karapat-dapat na mga ministro.—2 Corinto 6:4.