Pumunta sa nilalaman

MAYO 29, 2020
MALAWI

Milyon-milyon ang Nakikinabang sa mga Pulong ng Kongregasyon sa Malawi sa Pamamagitan ng TV at Radyo

Milyon-milyon ang Nakikinabang sa mga Pulong ng Kongregasyon sa Malawi sa Pamamagitan ng TV at Radyo

Isinaayos ng Komite ng Sangay sa Malawi na maibrodkast ang mga pulong ng kongregasyon sa TV at radyo. Hindi lang ang mga kapatid natin ang nakikinabang dito. May mahigit 100,000 Saksi ni Jehova sa Malawi, pero linggo-linggo, tinatayang dalawang milyon ang nakakapanood sa TV at walong milyon naman ang nakakapakinig sa radyo.

Katulad sa maraming bansa, hindi rin nagpupulong sa mga Kingdom Hall ang mga kapatid natin sa Malawi dahil sa krisis ng COVID-19. Halos lahat ng mamamahayag sa kongregasyon ay may TV o radyo. Kaya kahit walang Internet o videoconference app ang mga kapatid, nakikinabang pa rin sila sa mga pulong sa TV at radyo.

Ang programa ay nakabrodkast sa Chichewa, ang pangunahing wika sa bansa. Kasabay na isinasalin sa Malawi Sign Language ang buong programa sa TV. Bukod sa pahayag pangmadla, ipinapalabas din ang ating mga video o audio drama na pagbabasa ng Bibliya. Sa pagtatapos ng programa, pinapasigla ang mga mánonoód at tagapakinig na magpunta sa website natin na jw.org para sa higit pang impormasyon sa karagdagang mga wika.

Dahil sa mga programang ito sa TV at radyo, naituwid ang ilang maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Isang lalaki ang sumulat: “Nakinig ako sa mga sermon ninyo nitong nakalipas na ilang linggo. Sinagot nito ang mga kasinungalingang sinasabi ng mga tao tungkol sa inyo. Ibang-iba ang mga sermon ninyo sa ibang relihiyon—tumatagos ito sa puso!” Nakikipag-aral na ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang lalaki at ang pamilya niya.

Ganito ang sabi ni Augustine Semo, na nasa Public Information Desk sa Malawi: “Malaking tulong ang mga brodkast na ito para patuloy na masamba ng ating mga kapatid ang Diyos na Jehova. Ipinakita din nila sa maraming hindi Saksi ang ating paniniwala mula sa Bibliya. Kapag naging normal na ang kalagayan sa Malawi, inaasahan naming makita ang maraming baguhan sa Kingdom Hall.”

Natutuwa tayong malaman na ang mga kapuwa nating Saksi at ang iba pa sa Malawi ay napapakain sa espirituwal sa mahirap na panahong ito. Talagang nagpapasalamat tayo sa ‘tapat na alipin,’ na tinitiyak na matuturuan ng katotohanan mula sa Bibliya ang lahat ng tao.—Mateo 24:45.