Pumunta sa nilalaman

MARSO 2, 2022
MEXICO

Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, Ini-release sa Tlapanec

Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, Ini-release sa Tlapanec

Noong Pebrero 27, 2022, ini-release ni Brother Carlos Cázares, isang miyembro ng Komite ng Sangay ng Central America, ang elektronikong format ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Tlapanec. Makukuha rin sa taóng ito ang inimprentang mga kopya. Mga 820 katao ang nakapanood ng video recording ng programa.

Sinimulan ang proyektong ito ng pagsasalin noong Hulyo 2020, panahon ng COVID-19 pandemic. “Kahit na maraming hamon,” ang sabi ng isang translator, “natapos din namin ito sa loob ng isang taon at kalahati. Pinabilis ito ni Jehova.”

Ang Tlapanec remote translation office ay nasa Tlapa, Guerrero, Mexico. Okupado nila ang tatlong palapag sa itaas ng gusali

Kasali sa bagong edisyon ang mga pananalitang mas madaling maintindihan ng mga mambabasa ngayon. Isang halimbawa nito ang makikita sa Mateo 5:3. Ganito ang dating mga salin: “Maligaya ang mga nakaaalam na wala silang magagawang anuman malibang tulungan sila ng banal na espiritu,” o “Maligaya ang mahihina sa espiritu.” Ganito naman ang pagkakasalin sa Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan: “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.”

Tutulungan ng bagong salin na ito ang mga kapatid na maging mabisa sa ministeryo. Sinabi ni Brother Cázares sa kaniyang pahayag: “Gusto ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat na marinig ng mga tao ang mabuting balita sa mismong wika nila, ang ginagamit nila araw-araw, hindi sa isang wika na mahirap nilang maintindihan.”

Natutuwa tayo para sa ating mga kapatid na Tlapanec sa paglalaang ito, at masaya tayong paglingkuran si Jehova “nang balikatan” na kasama nila.—Zefanias 3:9.