NOBYEMBRE 1, 2019
MEXICO
Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Wikang Maya
Ang Oktubre 25, 2019 ay isang di-malilimutang petsa para sa 6,500 kapatid na nagsasalita ng Maya. Inilabas noong araw na iyon ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Maya. Si Brother Esteban Bunn, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang naglabas ng saling ito ng Bibliya sa isang panrehiyong kombensiyon sa Mérida, Yucatán, Mexico. Ginanap ang programa sa Assembly Hall sa Mérida at naka-tie in ang Poliforum Zamná, isang arena sa lunsod ding iyon. Tiyak na magiging malaking tulong ang saling ito sa ministeryo, dahil mga 762,000 ang nagsasalita ng Maya sa Mexico at sa United States.
Dati, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan lang ang mayroon sa wikang Maya. Ang publikasyong ito ay inilabas noong Disyembre 14, 2012. Mula noon, halos 29,000 kopya na ang naimprenta.
Ipinaliwanag ng isang tagapagsalin: “Sa pangkalahatan, pinapahalagahan ng mga nagsasalita ng Maya ang Bibliya at iginagalang nila ang sinasabi nito. Pero marami ang nahihirapang maintindihan ang binabasa nila sa wikang Maya. Kaya gumamit kami ng bokabularyo na malinaw, madaling maintindihan, at ginagamit sa pang-araw-araw na pag-uusap ng mga tao.”
Mahirap isalin ang Bibliya sa wikang Maya kasi maraming magkakaibang bersiyon ng wika sa iba’t ibang rehiyon. Kaya pinasimple ang pamagat sa pabalat ng bagong salin. Tinatawag itong Biblia ich maya, na ang ibig sabihin ay “Bibliya sa Maya.” Mayroon din itong mahigit sa 6,000 talababa, at ang ilan dito ay nagbibigay ng alternatibong salin ng teksto para matiyak na maiintindihan ito ng lahat ng mambabasa ng Maya.
Nakakatiyak tayong ang bagong edisyong ito ay “pagkain sa tamang panahon” at malaking tulong para sa personal na pag-aaral at ministeryo ng mga kapatid nating nagsasalita ng wikang Maya.—Mateo 24:45.