OKTUBRE 31, 2019
MEXICO
Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Wikang Tzotzil
Noong Oktubre 25, 2019, sa isang panrehiyong kombensiyon sa Chiapas, Mexico, sa Poliforum ng Tuxtla Gutiérrez, inilabas ni Brother Armando Ochoa, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Tzotzil. Naka-tie in din sa programa ang Centro de Convenciones. May kabuoang bilang na 3,747 ang dumalo.
Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Tzotzil noong Disyembre 26, 2014, at ipinamahagi ito sa mga nagsasalita ng Tzotzil, na pangunahin nang nakatira sa mga kabundukan at kapatagan sa Chiapas, Mexico. Sa mahigit 16,000,000 katutubo sa Mexico, mga 500,000 ang nagsasalita ng Tzotzil, kabilang na ang 2,814 na Saksi ni Jehova.
Maraming hamon ang hinarap ng mga tagapagsalin ng Tzotzil. Halimbawa, kaunti lang ang sekular na literatura sa wikang Tzotzil at iilan lang ang diksyunaryo. Mayroon ding pitong diyalekto ang wikang iyon. Kaya kinailangang maging maingat ng mga tagapagsalin para makapili sila ng mga salitang maiintindihan ng lahat ng nagsasalita ng Tzotzil.
Sinabi ng isang tagapagsalin: “Ginagamit ng saling ito ang pangalan ng Diyos na Jehova, kaya matutulungan nito ang mga mambabasa na magkaroon ng kaugnayan sa kaniya. Sa dalawa pang salin ng Bibliya sa Tzotzil, isang beses lang ginamit ang banal na pangalan, na makikita sa isang talababa sa Exodo. Ang saling ito ang unang Bibliya sa Tzotzil na nagbalik ng banal na pangalan sa lahat ng lugar kung saan ito lumitaw.” Binanggit din ng isang mamamahayag na nagsasalita ng Tzotzil na “medyo mahal ang ibang salin ng Bibliya sa Tzotzil. Kaunti lang ang nakakabili. Pero kahit sino, puwedeng magkaroon [ng Bagong Sanlibutang Salin] nang walang bayad.”
Talagang makikinabang sa bagong Bibliyang ito ang lahat ng nagsasalita ng Tzotzil at “nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.”—Mateo 5:3.