Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 3, 2019
MEXICO

Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Zapotec (Isthmus)

Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Zapotec (Isthmus)

Noong Setyembre 27, 2019, sa isang panrehiyong kombensiyon sa San Blas Atempa, Oaxaca, Mexico, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Zapotec (Isthmus). Tuwang-tuwa ang 1,983 dumalo sa kombensiyon. Si Brother Joel Izaguirre, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang naglabas ng Bibliyang ito—ang kauna-unahang Bibliya sa wikang Zapotec (Isthmus) a na naglalaman ng banal na pangalang Jehova.

Habang isinasalin ito, napaharap ang mga translator sa kakaibang mga hamon. Di-nagtagal pagkatapos nilang lumipat sa kanilang remote translation office (RTO), nagkaroon ng kaguluhan sa politika at lipunan sa lugar na iyon. Hinarangan ng galít na mga nagpoprotesta ang mga daan papasok sa siyudad. Napakadelikado ng sitwasyon at umabot ito nang isang buwan, kaya nagkaroon ng kakulangan sa pagkain. Buti na lang, may mga kapatid sa kalapit na mga lugar na nagbigay ng inani nilang mga prutas at gulay sa mga translator. Napaharap din ang mga translator sa isa pang problema nang magkaroon ng lindol na may 8.2 magnitude noong Setyembre 7, 2017. Nasira ang RTO, kaya hindi na ito ligtas gamitin. Agad na isinaayos ng sangay sa Central America ang paglipat ng mga translator sa tanggapang pansangay. Isinaayos din ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala na makausap ang buong translation team sa pamamagitan ng videoconference para mabigyan sila ng espirituwal na pampatibay.

Ang bagong salin na ito ng Bibliya ay tiyak na tutulong sa marami pang nagsasalita ng Zapotec na “magkaroon ... ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”​—1 Timoteo 2:3, 4.

a Ang wikang Zapotec (Isthmus) ay ginagamit ng mahigit 85,000 tao sa Mexico. Isa ito sa mahigit 50 uri ng wikang Zapotec.