Pumunta sa nilalaman

Sinunog na mga sasakyan noong may gulo sa Culiacán

NOBYEMBRE 8, 2019
MEXICO

Isang Saksi ni Jehova ang Namatay sa Gulo sa Culiacán, Mexico

Isang Saksi ni Jehova ang Namatay sa Gulo sa Culiacán, Mexico

Noong Oktubre 17, 2019, ang mga pulis at mga security force ay nakipagpalitan ng putok sa mga miyembro ng armadong drug cartel sa Culiacán, Sinaloa, Mexico, isang lunsod na may halos isang milyong residente. Umabot nang ilang oras ang barilan, at hinarangan ang malalaking kalsada, sinunog ang mga sasakyan, at nakatakas ang mga preso mula sa isang bilangguan. Sinabi ng mga opisyal na di-bababa sa 14 ang namatay. Nakakalungkot, inireport ng sangay sa Central America na isang kapatid natin, si Noé Beltrán, ang kasama sa mga namatay dahil sa gulo.

Si Noé Beltrán kasama ang dalawa sa mga anak niya

Si Brother Beltrán, na 39-anyos at may tatlong anak, ay nasa trabaho nang tamaan siya ng ligaw na bala. Ang mga kapatid natin na tagaroon, kasama na ang tagapangasiwa ng sirkito, ay nagbibigay ng espirituwal na tulong at pampatibay sa misis niya, si Rocío, at sa maliliit nilang anak.

Mayroong mahigit 7,000 mamamahayag sa Culiacán na bumubuo sa 80 kongregasyon. Dahil sa gulo, pansamantalang binago ng ilang kongregasyon ang kaayusan nila sa pulong sa gitnang sanlinggo at sa ministeryo. Ang ilang kapatid ay nanatili sa bahay at nag-stream sa pulong. Pinangungunahan ng mga tagapangasiwa ng sirkito ang pagpapastol sa lahat ng naapektuhan ng nakakatakot at di-inaasahang gulong ito.

Nalulungkot tayo sa pagkamatay ni Brother Beltrán, at ipinapanalangin nating patuloy na susuportahan ni Jehova si Sister Beltrán at ang mga anak niya. Hinihintay natin ang panahon kung kailan ang mundo ay magiging payapa at ang mga nagdadalamhati ay ‘mag-uumapaw sa saya.’—Marcos 5:42.