Pumunta sa nilalaman

Mahigit 42,000 mamamahayag ang nagboluntaryo para matapos ang relief work sa Central America.

ABRIL 12, 2019
MEXICO

Natapos Na ng mga Saksi ni Jehova ang Relief Work sa Central America na Tinamaan ng Malalakas na Lindol

Natapos Na ng mga Saksi ni Jehova ang Relief Work sa Central America na Tinamaan ng Malalakas na Lindol

Niyanig ng dalawang malalakas na lindol ang Guatemala at Mexico noong 2017. Noong Disyembre 2018, natapos na ng mga kapatid ang muling pagtatayo sa mga nawasak ng lindol sa rehiyong iyon.

Sinimulan ng sangay sa Central America ang relief work sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga pulong para patibayin ang mga kapatid na naapektuhan ng kalamidad. Idinaos ang mga ito sa Chiapas, Morelos, Oaxaca, at Puebla, pati na sa Mexico City. Lahat-lahat, 39 na Disaster Relief Committee ang pinangasiwaan ng Komite ng Sangay para organisahin ang muling pagtatayo.

Si Jesse Pérez, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, kausap ang mga kapatid na naapektuhan ng bagyo sa Morelos.

Dalawang brother na nagtatrabaho sa bubong ng isang Assembly Hall na muling itinayo noong relief work.

Sa Mexico, mahigit 42,000 mamamahayag mula sa 10 estado ang nagboluntaryo sa relief work. Muli nilang naitayo ang 619 na bahay, 5 Kingdom Hall, at 2 Assembly Hall. Nakapagkumpuni rin sila ng 502 bahay at 53 Kingdom Hall. Sa Guatemala, 10 pang bahay ang muling naitayo.

Kabilang sa mga Saksing natulungan ang mga pamilyang Hernández at Santiago.

Pamilyang Hernández sa harap ng bahay nila, na muling itinayo ng mga boluntaryo.

Nakatira ang pamilyang Hernández sa lunsod ng Chalco, na 40 kilometro lang ang layo sa Mexico City. Noong Setyembre 19, 2017, winasak ng lindol ang bahay nila. Sinabi ni Sister Ana María Hernández: “Sa mahirap na panahong ito, hindi kami nagkulang ng anuman. Hindi kami pinabayaan ng mga kapatid. Naaalala ko pa kung paano nagtulong-tulong ang 50 o higit pang boluntaryo sa pagtatayo ng bagong bahay namin. Hanggang ngayon, hangang-hanga pa rin ang mga kapitbahay namin sa ginawa ng mga kapatid para sa amin.” Bukod sa praktikal na tulong na ito, binisita ang pamilyang Hernández ng isang kinatawan ng sangay sa Central America at pinatibay sila gamit ang Bibliya.

Pamilyang Santiago sa harap ng bago nilang bahay.

Ang pamilyang Santiago, na nakatira sa lunsod ng Juchitán sa Oaxaca, ay naapektuhan ng lindol noong Setyembre 7, 2017. Winasak ng lindol ang bahay nila. Pero sa loob lang ng wala pang anim na buwan, naitayo na ng mga boluntaryo ang bagong bahay nila. Sinabi ng ulo ng pamilya na si Brother Victor Santiago: “Humanga talaga ako sa bilis ng organisasyon ni Jehova sa pagtulong sa amin. Nakita kong kontrolado ni Jehova ang mga bagay-bagay.”

Sinabi ni Brother Jesse Pérez, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America: “Malawak ang nagawang pinsala ng dalawang lindol. Pero dahil sa relief work, nagkaroon ng pagkakataon ang maraming mamamahayag na tumulong at maipakita ang pagmamahal nila sa kanilang mga kapatid. Masaya kami na pinagpala ni Jehova ang gawaing ito.”—2 Corinto 8:1-4.