NOBYEMBRE 4, 2015
MEXICO
Mga Saksi—Pinarangalan sa Pagtuturo ng Bibliya sa mga Bilangguan sa Mexico
MEXICO CITY—Ang mga opisyal mula sa estado ng Baja California, Mexico, ay naggawad sa mga Saksi ni Jehova ng isang sertipiko bilang pagkilala sa pagtuturo nila ng Bibliya sa mga bilangguan sa estado. Ang dokumento ay nilagdaan ng state secretary ng public security na si Daniel De La Rosa Anaya at ng secretary ng state penitentiary system na si Jesús Héctor Grijalva Tapia.
Ganito ang mababasa sa sertipiko: “Pinasasalamatan ng gobyerno ng estado, sa pamamagitan ng secretary ng public security, ang mga Saksi ni Jehova para sa kanilang napakahalagang suporta, dedikasyon, gawain, at katapatan sa komunidad ng Baja California; na nakatutulong sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay, at sa gayon ay pinatatatag ang pagbabagong-buhay sa lipunan.”
Regular na dumadalaw ang mga Saksi ni Jehova sa ilang bilangguan sa Baja California, pati na sa isang bilangguan sa Mexicali, na sinimulan nilang dalawin noong 1991 matapos makatanggap ng sulat mula sa isang bilanggo. Sa isang interbyu sa mga Saksi, sinabi ng direktor ng Social Rehabilitation Center sa Mexicali na si Jesús Manuel López Moreno: “Ang pagpunta ninyo rito at pagsuporta sa kanila [mga bilanggo] ay tumutulong sa amin na mapalakas ang loob nila na sabihin: ‘Mga tao kami. May silbi kami dahil, pagdating ng panahon, muli kaming magiging bahagi ng lipunan at dapat kaming maging produktibong miyembro nito.’ . . . Lubos akong nagpapasalamat sa suporta ninyo.”
Sinabi ni Gamaliel Camarillo, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico: “Ang pangunahing gawain ng mga Saksi ni Jehova ay tulungan ang mga tao, pati na ang mga bilanggo, na maunawaan ang itinuturo ng Bibliya. Ayon sa ulat ng isang kongregasyon sa Mexicali, di-kukulangin sa walong indibiduwal ang nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova habang binubuno nila ang kanilang sentensiya sa bilangguan sa Mexicali. Naniniwala kami na ang lahat ng uri ng tao ay dapat mabigyan ng pagkakataong makinabang mula sa pagtuturo ng Bibliya.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Mexico: Gamaliel Camarillo, tel. +52 555 133 3048