PEBRERO 6, 2018
MEXICO
Mga Saksi ni Jehova sa Jalisco, Mexico, Pinalayas sa Komunidad ng mga Huichol
MEXICO CITY—Noong Disyembre 4, 2017, sa Tuxpan de Bolaños, isang maliit na nayon sa kabundukan ng Jalisco, Mexico, inumog ng isang grupo ang 12 kapatid natin na nakatira sa komunidad ng mga katutubong Huichol, pati na ang 36 na nakikipagsamahan sa kanila. Pinalayas sila ng mga mang-uumog sa kani-kanilang bahay. Galit na galit ang mga ito dahil hindi nakikisali ang mga Saksi sa relihiyosong ritwal ng mga Huichol. Humingi na ng tulong sa mga awtoridad ang mga kapatid nating biktima ng pag-uusig dahil sa relihiyon.
Kinikilala ng mga awtoridad sa Mexico ang kultura at tradisyon ng mga Huichol at binigyan pa nga sila ng kaunting awtonomiya. Kaya sa kahilingan ng mga tagapamahala ng mga katutubong Huichol, pinalayas ng mga awtoridad ang mga kapatid natin sa kani-kanilang bahay. Hinalughog nila ang mga ito at ninakaw ang mga pinto, bintana, at bubong. Tinapon nila ang ibang mga gamit. Pagkatapos, dinala sa gubat ang mga kapatid at pinagbantaang papatayin kapag bumalik pa.
Pinuntahan ng isang kinatawan mula sa tanggapang pansangay sa Mexico ang mga napalayas para patibayin sila sa espirituwal at makapagsaayos ng tuluyan para sa kanila. Ang legal na mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ay nakipagpulong din sa direktor ng gobyerno ng Jalisco, human rights prosecutor, regional prosecutor, at sa director of attention for crime victims. Iniimbestigahan na nila ngayon ang mga krimeng ito.
Sinabi ni Brother Gamaliel Camarillo, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico: “Lungkot na lungkot kami na naging biktima ng karahasan ang mga kapananampalataya namin, na namumuhay nang payapa sa kanilang komunidad at rumerespeto sa lokal na mga kostumbre, dahil lang sa ayaw nilang makisali sa relihiyosong mga ritwal na labag sa konsensiya nila. Umaasa kaming kikilos agad ang lokal na mga awtoridad para matapos na ang pag-uusig na ito.”
Ipinapanalangin namin ang mga kapatid naming nawalan ng tahanan at ari-arian, at nakakatiyak kami na patuloy silang tutulungan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon.—Isaias 32:2.
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000
Mexico: Gamaliel Camarillo, +52-555-133-3048