OKTUBRE 19, 2023
MICRONESIA
Ini-release ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Chuukese
Noong Oktubre 1, 2023, ini-release ni Brother Carlito Dela Cruz, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Micronesia, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Chuukese. Ini-release ito sa 83 dumalo sa isang espesyal na meeting sa Chuuk, Micronesia. Napanood din ng 435 ang programa sa pamamagitan ng videoconference, at kasama dito ang mga kongregasyon at mga group na nagsasalita ng Chuukese sa Guam at United States. Puwede na agad itong i-download pagkatapos ng release. Makukuha naman ang inimprentang edisyon sa Enero 2024.
Chuukese ang sinasalita sa mga isla ng Chuuk, na nasa kanluran ng Pacific Ocean at bahagi ng Federated States of Micronesia. Nagsimulang magsalin ang mga Saksi ni Jehova ng mga salig-Bibliyang publikasyon sa Chuukese noong 1978. Ngayon, mga 180 kapatid ang naglilingkod sa dalawang kongregasyong nagsasalita ng Chuukese sa mga isla ng Chuuk; sa isang kongregasyon sa isla ng Guam; at sa isang kongregasyon, tatlong group, at isang pregroup sa United States.
May ibang salin ng Bibliya sa Chuukese, pero marami sa mga saling ito ang hindi gumamit ng pangalan ng Diyos na Jehova. Ibinalik ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pangalan ng Diyos sa orihinal na puwesto nito. “Sigurado ako na matutulungan ng saling ito ng Bibliya ang marami pang nagsasalita ng Chuukese na malaman ang pangalan ni Jehova at maging malapít din sa kaniya,” ang sabi ni Brother Dela Cruz.
Masaya tayo sa release ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Chuukese, na makakatulong sa maraming ”nakaayon sa buhay na walang hanggan” na matuto tungkol kay Jehova.—Gawa 13:48.