Pumunta sa nilalaman

Inilalabas ni Brother Abraham Lincoln, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Micronesia, ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Marshallese

MAYO 24, 2019
MICRONESIA

Paglalabas ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Marshallese

Paglalabas ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Marshallese

Noong Mayo 19, 2019, inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Marshallese sa isang espesyal na okasyong ginanap sa The University of the South Pacific sa Majuro, Marshall Islands. Nakakonekta rin ang mga nasa isang Kingdom Hall sa isla ng Ebeye na mahigit 440 kilometro ang layo mula sa Majuro.

Dumalo ang may bilang na 339 sa espesyal na miting na ito, kasama na ang 151 mamamahayag na naglilingkod sa apat na kongregasyon sa Marshall Islands. Magagamit na ng mga mamamahayag na ito, kasama na ng 325 mamamahayag na naglilingkod sa teritoryong nagsasalita ng wikang Marshallese sa United States, ang salin na ito sa kanilang mga pulong, personal na pag-aaral, at ministeryo. Tinatayang mayroon nang 61,000 nagsasalita ng wikang Marshallese sa buong mundo.

Isang kapatid na tumulong sa pagsasalin ang nagsabi: “Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Marshallese ang unang modernong salin sa wikang ito na nagbalik ng pangalan ni Jehova sa mga orihinal na puwesto nito. Isa itong maaasahang salin na tutulong sa mga kapatid na mapalalim pa ang pag-ibig nila kay Jehova.”

Masaya tayo sa balitang ito. Patunay ito na pinagpapala ni Jehova ang gawaing pagsasalin sa iba’t ibang wika, maliit man o malaki.—Awit 49:1, 2.