HUNYO 22, 2023
MOZAMBIQUE
Ini-release sa Wikang Changana (Mozambique) ang Kumpletong Bagong Sanlibutang Salin
Noong Hunyo 18, 2023, ini-release ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Changana (Mozambique). Ini-release ni Brother Charles Fonseca, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Mozambique, ang Bibliya sa isang programa sa Maputo, ang capital ng Mozambique. Tumanggap ng inimprentang kopya ng Bibliya ang 16,245 dumalo. Pagkatapos ng programa, puwede na ring i-download ang digital format ng Bibliya.
Ang wikang Changana (Mozambique) ay sinasalita ng halos 4.2 milyong tao. Nakatira ang karamihan sa mga nagsasalita nito sa dalawang lalawigan ng Mozambique, ang Maputo at Gaza. Dahil maraming diyalekto ang Changana (Mozambique), inalam at ginamit ng translation team ang mga salitang nauunawaan at ginagamit ng mga taong nagsasalita ng wikang ito, saanman sila nakatira.
Bago i-release ang Bibliyang ito, ginagamit ng maraming mamamahayag na nagsasalita ng Changana (Mozambique) ang Bibliya sa Tsonga, isang wikang hawig sa Changana (Mozambique). Kaya nahihirapan ang ilan na matutuhan ang mga katotohanan sa Bibliya. Sabi ng isang translator: “Ngayon, dahil sa bagong saling ito, tumatagos na sa puso ng mga nagsasalita ng Changana (Mozambique) ang mensahe ng Bibliya.”
Nagbigay ng halimbawa ang isa pang translator kung paano naging mas malinaw ang Bagong Sanlibutang Salin sa Changana (Mozambique). Sinabi niya: “Sa ibang mga wika sa rehiyon, gumagamit ang ilang salin ng Bibliya ng mga salita para sa ‘espiritu.’ At minsan, mali ang nagiging intindi rito, na para bang may isang persona na humihiwalay sa katawan pagkamatay ng tao. Pero tama ang ideyang ipinapakita sa Bagong Sanlibutang Salin sa Changana (Mozambique) kasi ang ginamit nito ay ‘puwersa ng buhay’ na bumabalik sa Maylalang at hindi ang tao mismo.”
Masaya tayong makita na ‘isinusugo ni Jehova ang kaniyang liwanag at katotohanan’ para maging mas malinaw ang Salita niya sa mga nagsasalita ng wikang Changana (Mozambique).—Awit 43:3.