NOBYEMBRE 17, 2020
MOZAMBIQUE
Inilabas ang Aklat ng Mateo sa Wikang Gitonga at Ronga
Noong Nobyembre 14 at 15, 2020, inilabas ang digital format ng Ang Bibliya—Ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo sa wikang Gitonga at Ronga, na ginagamit sa timog ng Mozambique. Isa itong napapanahong regalo mula kay Jehova para sa 524 na kapatid na nagsasalita ng Gitonga at sa 1,911 kapatid na gumagamit naman ng Ronga.
Si Brother Amaro Teixeira, miyembro ng Komite ng Sangay sa Mozambique, ang naglabas ng mga ito sa isang nakarekord na programa na ipinapanood sa mga kapatid. Bukod diyan, pinayagan din ang mga kapatid na maipalabas ang programa sa isang TV station at mapakinggan sa ilang radio station doon. Iimprentahin din ang booklet na ito na may 64 na pahina, dahil marami sa mga mambabasa ang walang gadyet.
Sinabi ni Brother Teixeira: “Iilan lang ang Bibliya at mga literatura sa Bibliya sa mga wikang ito. Kaya tuwang-tuwa kami na magkaroon ng Mateo, dahil mababasa sa ebanghelyong ito ang pinagmulan at kapanganakan ni Jesus, ang kilaláng Sermon sa Bundok, at ang kapana-panabik na mga hula tungkol sa mga huling araw.”
Ipinaliwanag ng isang translator kung bakit malaking tulong ang ganitong tumpak at madaling-maintindihang salin: “Punong-puno ng aral ang aklat ng Mateo. Sa tingin ko, maiiyak sa tuwa ang mga tao kapag nabasa nila ang Sermon sa Bundok sa sarili nilang wika.”
Ayon sa mga eksperto, nasa 224,000 ang nagsasalita ng Gitonga at mga 423,000 naman ang nagsasalita ng Ronga. Sa tulong ng mga saling ito ng Bibliya, naniniwala kami na marami pa ang maaakay sa “daang papunta sa buhay.”—Mateo 7:14.