Pumunta sa nilalaman

AGOSTO 10, 2016
NAGORNO-KARABAKH

Pagbibilanggo ng Nagorno-Karabakh sa mga Tumatangging Magsundalo Dahil sa Budhi—Di-makatarungan

Pagbibilanggo ng Nagorno-Karabakh sa mga Tumatangging Magsundalo Dahil sa Budhi—Di-makatarungan

Ang 20-anyos na si Artur Avanesyan ay nahatulang mabilanggo nang 30 buwan sa Shushi prison colony sa Nagorno-Karabakh kahit handa siyang magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Ipinagkait sa kaniya ng mga hukuman ng Nagorno-Karabakh, sa lahat ng lebel, ang saligang karapatan na tumangging magsundalo dahil sa budhi.

Ipinaliwanag ni Mr. Avanesyan, isang Saksi ni Jehova, ang kaniyang moral na paninindigan: “Hindi ako pinapayagan ng aking budhi na magsundalo. Mahal ko ang kapuwa ko, at ayokong humawak ng sandata ni matuto mang manakit sa sinuman.” Sinabi pa niya: “Hindi ko iniiwasan ang tungkulin ko bilang mamamayan. Sinikap kong mabigyan ako ng alternatibong serbisyong pansibilyan sa halip na magsundalo, pero hindi ako pinayagan.”

Nabigo ang Pagsisikap na Magsagawa ng Alternatibong Paglilingkod

Noong Enero 29, 2014, si Mr. Avanesyan ay pinagreport sa Askeran City Military Commissariat sa Nagorno-Karabakh. Kinabukasan, nag-file siya ng aplikasyon na nagpapaliwanag na tumatanggi siyang magsundalo dahil sa kaniyang budhi pero handa siyang magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Nagpatulong din siya sa isang abogado dahil alam niyang walang probisyon para sa alternatibong serbisyong pansibilyan sa Nagorno-Karabakh.

Yamang si Mr. Avanesyan ay may pasaporteng Armenian, nakipagkita ang abogado niya sa mga opisyal sa Armenia at sa Nagorno-Karabakh, at mukhang papayagan naman si Mr. Avanesyan na gawin ang kaniyang alternatibong serbisyo sa Armenia. Gusto ni Mr. Avanesyan ang solusyong ito kaya lumipat siya sa Armenia. Noong Pebrero 13, 2014, isinumite niya ang kaniyang aplikasyon para sa alternatibong serbisyo sa Republic of Armenia Masis Military Commissariat.

Hindi tinawagan ng lupon ng alternatibong paglilingkod ng Armenia si Mr. Avanesyan, pero noong Hulyo 14, 2014, ipinatawag siya ng pulisya ng Yerevan, Armenia, sa sentral na istasyon ng pulis, kung saan may mga pulis ng Nagorno-Karabakh na naghihintay sa kaniya. Agad nila siyang inaresto at sapilitang dinala mula sa Yerevan hanggang sa Askeran, Nagorno-Karabakh—isang aktuwal na ekstradisyon pero walang paglilitis, court order, o iba pang pormalidad.

Ikinulong at Nilitis

Unang natikman ni Mr. Avanesyan, na 18 anyos lang noon, ang magpalipas ng gabi sa kulungan noong Hulyo 14, 2014. Kinabukasan nang humarap siya sa korte, nalaman niya na ang Nagorno-Karabakh First Instance Court ay nagpalabas ng warrant of arrest ilang buwan bago nito at nag-utos na ikulong siya bago ang paglilitis. Hindi binago ng korte ang nauna nitong desisyon at ikinulong si Mr. Avanesyan sa Shushi prison colony. Tinanggihan ang lahat ng apela laban sa pagkukulong sa kaniya bago ang paglilitis.

Noong Setyembre 30, 2014, hinatulan ni Hukom Spartak Grigoryan ng Nagorno-Karabakh First Instance Court si Mr. Avanesyan ng 30-buwang pagkabilanggo sa paratang na pagtakas para makaiwas sa pagsusundalo. * Inapela ni Mr. Avanesyan ang desisyon, pero pinagtibay iyon kapuwa ng Court of Appeal at ng Supreme Court ng Nagorno-Karabakh. Mananatili siyang bilanggo hanggang Enero 2017.

Matatag sa Kabila ng Kawalang-katarungan

Sinabi ni Shane Brady, isa sa mga abogado niya: “Si Mr. Avanesyan ay idinitine, inaresto, nilitis, at hinatulang nagkasala dahil sa pinanghahawakan niyang mga relihiyosong paniniwala. Sa kabila ng di-makatarungang pagkakabilanggo, matatag pa rin siya sa kaniyang kombiksiyon.” Ayon kay Mr. Brady, pinapayagan na ngayon si Mr. Avanesyan na magkaroon ng Bibliya at mga publikasyon para sa pag-aaral ng Bibliya sa loob ng bilangguan, at puwede rin siyang dalawin ng mga kapamilya niya.

Matapos gawin ang lahat ng legal na pamamaraang posible sa bansa, nagsumite ng aplikasyon si Mr. Avanesyan sa European Court of Human Rights (ECHR). Inaasahan niya na paborable ang magiging desisyon (pero malamang na ilalabas ito ilang buwan pagkatapos niyang mapalaya) dahil maraming beses nang sinuportahan ng ECHR ang karapatang tumanggi sa pagsusundalo udyok ng budhi. Sa Bayatyan v. Armenia, nagdesisyon ang Grand Chamber ng ECHR na ang pagtangging magsundalo udyok ng budhi ay protektado ng karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon. Ganito pa rin ang desisyon ng ECHR sa sumunod na mga kaso. *

Dahil sa mga desisyong ito ng ECHR, mas nirerespeto na ngayon ang saligang karapatan na tumangging magsundalo dahil sa budhi—kahit sa panahon ng kaguluhan at digmaan. Halimbawa, noong Hunyo 2015, pinagtibay ng isang mataas na hukuman sa Ukraine ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo na mabigyan ng alternatibong serbisyo sa panahon ng mobilisasyong militar.

May Pag-asa Ba ang mga Tumatangging Magsundalo sa Nagorno-Karabakh?

Inaasahan ng mga Saksi ni Jehova sa Nagorno-Karabakh at sa buong mundo na kikilalanin ng Nagorno-Karabakh na ang pagtangging magsundalo udyok ng budhi ay isang saligang karapatang pantao. Sa halip na ibilanggo ang mapagpayapang mga kabataang lalaki, bibigyan kaya ng gobyerno ang mga tumatangging magsundalo ng pagkakataong magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan? Kung kikilalanin ng Nagorno-Karabakh ang karapatang tumanggi sa pagsusundalo dahil sa budhi, masasabing itinataguyod nito ang tinatanggap na mga pamantayan sa Europa at iginagalang ang taimtim na paniniwala ng mga kabataang lalaki na gaya ni Artur Avanesyan.

^ par. 10 Nagsimula ang 30-buwang sentensiya nang ikulong siya noong Hulyo 14, 2014.

^ par. 13 Tingnan ang Erçep v. Turkey, no. 43965/04, 22 Nobyembre 2011; Feti Demirtaş v. Turkey, no. 5260/07, 17 Enero 2012; Buldu and Others v. Turkey, no. 14017/08, 3 Hunyo 2014.