Pumunta sa nilalaman

Sina Sister Pushpa Ghimire (kaliwa) at Sister Tirtha Maya Ghale (kanan) na nakaposas, bago sila palayain noong Nobyembre 4, 2019

NOBYEMBRE 15, 2019
NEPAL

Dalawang Saksi ni Jehova sa Nepal ang Pinalaya Habang Naghihintay ng Paglilitis

Dalawang Saksi ni Jehova sa Nepal ang Pinalaya Habang Naghihintay ng Paglilitis

Sina Tirtha Maya Ghale at Pushpa Ghimire, na sinentensiyahang mabilanggo nang tatlong buwan, ay maagang pinalaya noong Nobyembre 4, 2019, matapos ang isang-buwang pagkakabilanggo. Hinatulan silang makulong dahil sa kanilang pananampalataya—isang karapatan na protektado ng batas ng Nepal at ng internasyonal na batas.

Isang taon bago nito, inaresto sina Sister Ghale at Sister Ghimire dahil nakikipag-usap sila sa mga taong interesado sa Bibliya. Matapos makulong nang 13 araw, pinagpiyansa sila ng malaking halaga—100,000 Nepalese rupee (mga $930 U.S.)—bago sila pinalaya. Pero ipinagpatuloy pa rin ng lokal na mga awtoridad ang imbestigasyon sa kanila.

Noong Disyembre 10, 2018, nagsimula ang paglilitis sa mga sister, na umabot nang 10 buwan. Noong Setyembre 25, 2019, sinentensiyahan ng Rupandehi District Court ang dalawang sister ng tatlong-buwan na pagkakakulong at pinagmulta ng 2,500 Nepalese rupee (mga $23 U.S.).

Ang mga sister ay hinatulang nagkasala ng pangungumberte dahil lang sa pagkakaroon at pamimigay ng relihiyosong publikasyon. Dahil miyembro ng United Nations ang Nepal at bahagi ito ng International Covenant on Civil and Political Rights, obligado ang gobyerno na tiyaking may kalayaang magbago ng relihiyon ang mga mamamayan at ipakita ito, sa publiko man o pribado. At hindi rin naman pinipilit nina Sister Ghale at Sister Ghimire ang iba na magbago ng relihiyon, kundi binibigyan lang nila ng publikasyon ang mga may gusto. Dahil dito, umapela ang mga abogado ng mga sister sa Mataas na Hukuman noong Oktubre 31, 2019. Nagpasiya ang Mataas na Hukuman na hindi kailangang manatili sa kulungan ang mga sister habang hinihintay ang desisyon ng korte, kaya pinalaya na sila.

Ipinapanalangin natin na patuloy na bibigyan ni Jehova sina Sister Ghale at Sister Ghimire ng banal na espiritu para magkaroon sila ng lakas, kagalakan, at kapayapaan habang hinihintay ang desisyon ng korte.—Roma 15:13.