Pumunta sa nilalaman

Itaas: Pasilidad ng Bethel sa Amsterdam noong 1964. Ibaba: Mga kapatid na nagtatrabaho sa Bethel noong 1950’s at 1960’s

OKTUBRE 7, 2022
NETHERLANDS

Isandaang Taon ng mga Pagsubok at Tagumpay sa Netherlands

Isandaang Taon ng mga Pagsubok at Tagumpay sa Netherlands

Ngayong 2022, 100 taon na mula nang itatag ang tanggapang pansangay sa Amsterdam, ang kabiserang lunsod ng Netherlands. Sa buong panahong iyon, nagpakita ng matibay na pananampalataya at lakas ng loob ang ating mga kapatid.

Nakarating ang mabuting balita sa Netherlands sa pagtatapos ng ika-20 siglo nang mabasa ng binatang si Heinrich Brinkhoff ang literatura na inilathala ng Watch Tower Society at ng International Bible Students Association. Agad niyang ibinahagi sa iba ang natutuhan niya. Lumago ang mga binhing iyon ng katotohanan. Noong 1920, dumalaw si Brother Joseph F. Rutherford sa Europe at nagtatag ng isang tanggapang pansangay sa Switzerland. Ang tanggapan ding iyon ang nangasiwa sa Netherlands. Noong 1921, inatasan ni Brother Rutherford si Brother Adriaan Block na mangasiwa sa gawain sa Netherlands. Noong 1922, itinatag ang tanggapang pansangay sa Amsterdam.

Nang mayroon nang tanggapang pansangay, mas naging organisado ang gawaing pangangaral. Patuloy na dumami ang bilang ng mga lingkod ni Jehova. Bago magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, mga 500 mamamahayag na ang aktibo sa bansa.

Nang magsimula ang digmaan, nasakop ng mga Nazi ang Netherlands. Pinag-usig nila ang mga Saksi ni Jehova at ang iba pang grupo. Mga 300 Saksing Dutch ang ipinatapon, at ipinadala ang karamihan sa kanila sa mga concentration camp. Mga 130 sa ating mga kapatid ang namatay dahil sa sakit at sa iba pang paghihirap. Sa kabila ng pag-uusig, naging 3,125 na ang mga Saksi sa Netherlands sa pagtatapos ng digmaan noong 1945.

Pero nagpatuloy ang pagsalansang pagkatapos ng digmaan. Matindi ang pagsalansang ng Simbahang Katoliko sa mga Saksi, lalo na sa bandang timog ng bansa. Halimbawa noong 1952, tinangkang pahintuin ng Simbahang Katoliko ang isang asamblea sa Venlo. Dahil dito, kinansela ng may-ari ang kontrata para sa lugar na pagdarausan sana ng kombensiyon. Pero hindi sumuko ang mga kapatid. Nagtayo sila ng isang tolda sa isang malawak na parang at doon idinaos ang kombensiyon.

Nagpatuloy ang mga mananalansang. Minsan, mahigit 1,000 ang dumating para guluhin ang programa. Ni-raid pa nga ng mga pulis ang lugar ng kombensiyon at inaresto ang ilang brother noong sesyon ng Linggo ng hapon.

Ang tanggapang pansangay ngayon sa Emmen

Hindi nagtagumpay ang mga mananalansang. Dahil sa pagsunod sa mga tagubilin mula sa tanggapang pansangay, naipagpatuloy ng responsableng mga brother ang programa ng kombensiyon.

Patuloy na pinagpala ni Jehova ang determinasyon ng ating mga kapatid. Noong 1983, lumipat ang sangay ng Netherlands sa isang bagong pasilidad sa Emmen. Noong 2022, ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Netherlands ay halos 30,000.

Pinapatunayan ng kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Netherlands na ‘hindi iiwan o pababayaan’ ni Jehova ang kaniyang bayan.​—Deuteronomio 31:6.