Pumunta sa nilalaman

Kaliwa: Daan-daang kapatid ang nagtipon sa Wellington Town Hall noong Marso 8, 1947, para sa isang special assembly. Kanan: Sa labas ng mga opisina ng Bethel sa 69 Kent Terrace sa Wellington, New Zealand

MARSO 7, 2022
NEW ZEALAND

Pitumpu’t Limang Taon ng “Legal na Pagtatatag” ng Mabuting Balita sa New Zealand

Pitumpu’t Limang Taon ng “Legal na Pagtatatag” ng Mabuting Balita sa New Zealand

Noong Marso 2022, 75 taon nang legal na kinikilala ang mga Saksi ni Jehova sa New Zealand. Marso 7, 1947, nang dumalaw sa Parlamento ng New Zealand sina Brother Nathan H. Knorr, Milton Henschel, at Charles Clayton, ang unang misyonero sa New Zealand na sinanay sa Gilead. Ibinigay ng mga opisyal ng gobyerno sa mga brother ang mga dokumento na legal na kumikilala sa mga Saksi ni Jehova. Ngayon, patuloy na sumusulong ang pangangaral, at may mga 14,500 aktibong Saksi sa bansa.

Unang nakarating ang mensahe ng Kaharian sa New Zealand noong 1898. Patuloy na dumami ang bilang ng mga Saksi. Nagalit ang Simbahang Katoliko dahil itinuturo ng ating mga literatura ang katotohanang nasa Bibliya, kaya sinulsulan nila ang mga tao na magalit sa mga Saksi ni Jehova. Noong Oktubre 24, 1940, ipinagbawal ng gobyerno ang ating gawain. Pero binago ng Parlamento ang pagbabawal noong Mayo 8, 1941, at pinayagan ang mga brother na magtipon para sumamba at mangaral. Pero Bibliya lang ang puwede nilang gamitin at hindi ang ating literatura. Opisyal na inalis ang pagbabawal noong Marso 29, 1945, at patuloy na dumami ang mga Saksi. Makalipas lang ang dalawang taon, sumulong nang 40 porsiyento ang bilang ng mga mangangaral ng Kaharian, lumobo ito sa 659—ang pinakamataas na bilang noon ng mga kapatid na nangangaral ng mabuting balita.

Mula kaliwa pakanan: Sina Brother Charles Clayton, Milton Henschel, at Nathan H. Knorr sa labas ng Parlamento pagkatapos tanggapin ang mga dokumento na legal na kumikilala sa mga Saksi ni Jehova noong 1947

Nagpasiya si Brother Knorr na dalawin ang New Zealand bilang bahagi ng kaniyang paglalakbay sa buong daigdig para maglingkod noong 1947. Noong panahong ito, nagpunta siya sa Parlamento.

Pagkatapos ng legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova, naitatag ang isang tanggapang pansangay sa Wellington para organisahing mabuti ang gawaing pangangaral. Naatasan si Brother Robert Lazenby bilang ang unang lingkod ng sangay.

Nang maglaon, isinulat ni Brother Knorr sa isang report tungkol sa New Zealand ang tungkol sa bagong tanggapang pansangay at ang dumaraming bilang ng mga mamamahayag: “Handang gawin ng lahat ang kinakailangang gawin para suportahan ang sangay.”

Noong Marso 8-9, 1947, nagpahayag sina Brother Knorr at Henschel sa isang special assembly na ginanap sa Wellington Town Hall, at ang sesyon noong hapon ay idinaos sa kalapit na technical college. Halos 500 kapatid ang dumalo.

Natatandaan ni Sister Beryl Todd, na 17 anyos noon: “Ito ang pinakamalaking asamblea na nadaluhan ko, at nakakatuwang nandoon si Brother Knorr.” Nabautismuhan noong araw na iyon sa kalapit na pampublikong pool si Clyde Canty, na nang maglaon ay naging coordinator ng sangay sa New Zealand.

Noong Marso 10, 1947, 300 pa ang nakinig sa mga pahayag nina Brother Knorr, Henschel, at Lazenby. Inireport ni Brother Knorr na nakikita niya ang potensiyal na pagsulong sa New Zealand. “Tiyak na susulong ang gawain dito,” ang sabi niya. “Napakalaki ng potensiyal para sa pagsulong sa teritoryong ito.”

Nagkatotoo nga ang sinabi ni Brother Knorr. Ang bilang ng mga mamamahayag sa New Zealand ay sumulong nang 18 porsiyento sa sumunod na walong taon. Noong 1955, mayroon nang 2,519 na mga mamamahayag. Umabot nang 10,000 ang mamamahayag sa bansa noong 1989.

Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa pagtulong sa ating mga kapatid na legal na maitatag ang mabuting balita sa New Zealand.​—Filipos 1:7.