Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 15, 2016
NEW ZEALAND

New Zealand Niyanig ng Magnitude 7.8 na Lindol at Daan-daang Aftershock

New Zealand Niyanig ng Magnitude 7.8 na Lindol at Daan-daang Aftershock

Noong Lunes, Nobyembre 14, 2016, lampas ng hatinggabi, niyanig ng magnitude 7.8 na lindol ang South Island ng New Zealand. Ayon sa unang mga report, dalawang tao ang namatay sa lindol. Sinundan ito ng daan-daang aftershock na ang ilan ay magnitude 6.0 o mas malakas pa, na nagpabagsak sa mga gusali, sumira sa mga linya ng kuryente at telecommunication, at puminsala sa mga kalsada, riles ng tren, suplay ng tubig, at imburnal.

Ayon sa unang mga report mula sa lokal na mga elder ng mga Saksi ni Jehova sa New Zealand at sa kanilang tanggapang pansangay sa Australia, walang miyembro nila ang nasugatan o namatay sa lindol. Nag-organisa ang mga Saksi ng isang disaster relief committee sa Christchurch, na mga 91 kilometro (57 mi.) sa timog-kanluran ng epicenter ng lindol. Bagaman bahagya lang ang pinsala sa mga tahanan ng mga Saksi at sa kanilang mga lugar ng pagsamba, sinisikap ng relief committee na mailaan ang agarang pisikal at espirituwal na pangangailangan ng mga biktima.

Sinusubaybayang mabuti ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang sitwasyon mula sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa New York. Kung kailangan, bibigyan nila ng pahintulot ang disaster relief committee na gumamit ng pondo mula sa mga donasyon sa kanilang pandaigdig na gawaing pagmiministeryo.

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, 1-718-560-5000

Australia and New Zealand: Rodney Spinks, 61-2-9829-5600