Pumunta sa nilalaman

Masaya ang mga kapatid natin sa Nigeria nang i-release ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Edo (kaliwa) at Esan (kanan)

DISYEMBRE 28, 2023
NIGERIA

Ini-release ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Edo at Esan

Ini-release ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Edo at Esan

Sa dalawang magkasunod na weekend, ini-release ng mga miyembro ng Komite ng Sangay sa Nigeria ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa dalawang wika. Nangyari ito noong 2023 “Maging Matiisin”! na Panrehiyong Kombensiyon sa Benin City at Agbor, Nigeria. Noong Disyembre 8, 2023, ini-release ni Brother Archibong Ebiti ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Edo. Ini-release naman ito ni Brother Malcolm Halls sa Esan noong Disyembre 15, 2023. Nang araw ng release, namahagi ng inimprentang kopya sa mga dumalo. Mada-download na rin ito agad sa digital at audio format.

Edo

May 1,678 dumalo sa release ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Edo. May mga dalawang milyong tao na nagsasalita ng Edo sa buong mundo. Mahigit 900 kapatid na nagsasalita ng Edo ang naglilingkod sa 23 kongregasyon sa Nigeria. Nagsimula ang regular na pagsasalin ng Edo translation team noong 2014. Nang taon ding iyon, makikita na sa website nating jw.org ang mga publikasyon sa Edo.

Kahit na may ibang mga salin ng Bibliya sa Edo, mahirap makakita nito at napakamahal pa. Hindi ginagamit ng marami sa mga saling ito ang pangalan ni Jehova, at gumagamit din ang mga ito ng lumang mga salita at ekspresyon kaya mahirap maintindihan ng mga taong nagsasalita ng Edo ang mensahe ng Bibliya. Sinabi ni Sister Patience Izevbuwa, na 74 anyos na at mahigit 50 taon nang naglilingkod kay Jehova: “Napakasaya ko kasi mayroon nang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Edo. Walang pagsidlan ang saya ko!”

Esan

Mahigit 692 katao ang dumalo nang i-release ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Esan. Mahigit isang milyon ang nagsasalita ng Esan sa Nigeria. Mayroon na ngayong 640 kapatid na nagsasalita ng Esan sa 10 kongregasyon sa bansa.

Ito ang unang kumpletong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Esan. Bago nito, English na Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang ginagamit ng marami sa mga kapatid nating nagsasalita ng Esan. Ganito ang sinabi ng isang sister tungkol sa ekspresyong ‘kayamanan sa mga sisidlang luwad’ na ginamit sa 2 Corinto 4:7: “Natatandaan ko na nabasa ko ang talatang iyon sa English at hindi ko talaga iyon maintindihan. Pero ganito ito isinalin sa Bagong Sanlibutang Salin sa Esan: ‘Kahit na gaya kami ng mga sisidlang luwad, ibinigay sa amin ng Diyos ang napakahalagang gawain ng pangangaral at pagtuturo.’ Mas naintindihan ko ito at mas naantig ang puso ko. Napakagandang regalo talaga ng Bibliyang ito!”

Masaya tayo para sa mga kapatid nating nagsasalita ng wikang Edo at Esan dahil sa release ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa mga wikang ito. Dalangin nating mas marami pa ang matulungan nito na magkaroon ng “tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:3, 4.