ABRIL 8, 2021
NIGERIA
Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin, Inilabas ng mga Saksi ni Jehova sa Wikang Igbo
Sa isang espesyal na virtual meeting noong Abril 4, 2021, inilabas ni Brother Kenneth Cook, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Igbo. Tuwang-tuwa ang mahigit 1,140 kongregasyon na nagsasalita ng Igbo sa Nigeria na matanggap ang rebisyong ito. Labing-apat na taon na ang nakalipas mula nang ilabas ang unang Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Igbo.
Makakatulong ang edisyong ito sa mahigit 50,000 kapatid na naglilingkod sa teritoryong gumagamit ng wikang Igbo. Malaking tulong din ito sa pangangaral sa mga 40 milyong tao na nagsasalita ng Igbo.
Ipinaliwanag ng isang brother na kasama sa Igbo translation team: “Maraming talababa sa nirebisang Bagong Sanlibutang Salin, kaya mas magugustuhan ito ng mga nagsasalita ng Igbo. Ang mga talababa ay hindi lang basta paliwanag sa mga salitang Hebreo o Griego. Kung minsan, nagbibigay rin ito ng mga salita na kasingkahulugan o mga salita sa ibang diyalekto ng Igbo para mas madali itong maintindihan ng mga mambabasa.”
Sinabi ni Brother Archibong Ebiti, miyembro ng Komite ng Sangay sa Nigeria: “Anim na translator ang nagtulong-tulong sa loob ng apat na taon para matapos ang rebisyong ito. Laking pasasalamat namin kay Jehova kasi kahit na may mga aberyang nangyari dahil sa pandemic, natapos pa rin namin ang proyekto sa tulong ng banal na espiritu niya.”
Siguradong matutuwa ang mga Saksing nagsasalita ng Igbo sa buong mundo sa pagbabasa ng nirebisang Bibliya. Malaking tulong din ito kapag itinuturo nila at ‘ipinapaliwanag ang daan ng Diyos.’—Gawa 18:26.