Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 18, 2019
NORTH MACEDONIA

‘Pagpunta sa Macedonia’ Para sa Espesyal na Kampanya ng Pangangaral

‘Pagpunta sa Macedonia’ Para sa Espesyal na Kampanya ng Pangangaral

Nag-organisa ang sangay sa North Macedonia ng isang espesyal na kampanya ng pangangaral mula Agosto 1 hanggang Oktubre 31, 2019, para sa mga nagsasalita ng wikang Macedonian o Albanian sa teritoryo ng kanilang sangay.

Mahigit 1.3 milyon ang nagsasalita ng wikang Macedonian at lagpas sa kalahating milyon naman ang nagsasalita ng Albanian sa North Macedonia. Pero sa 1,300 mamamahayag sa bansa, mga 1,000 ang sumusuporta sa teritoryong nagsasalita ng Macedonian, at 20 mamamahayag lang ang sumusuporta sa teritoryong nagsasalita ng Albanian. Para matulungan ang mga mamamahayag doon, 476 na boluntaryo mula sa pitong bansa—Albania, Austria, Belgium, Germany, Italy, Sweden, Switzerland—ang nagpunta sa North Macedonia para makibahagi sa pangangaral.

Ang aklat na Itinuturo ng Bibliya sa wikang Macedonian na natanggap ng pastol 10 taon na ang nakakaraan

Sa panahon ng kampanya, nakausap ng isang kapatid ang isang pastol ng kambing. Nang malaman ng pastol na Saksi ni Jehova ang kausap niya, kinuha niya sa kaniyang bag ang isang kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Sinabi niya na natanggap niya ang aklat na ito nang bumisita ang mga Saksi na taga-Italy, 10 taon na ang nakakaraan, dahil din sa isang espesyal na kampanya ng pangangaral. Sinabi pa niya na araw-araw niyang binabasa ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, at nakabisado pa nga niya ang ilang kabanata nito. Nagsaayos ang mga kapatid ng pagdalaw-muli.

Ipinapaalala sa atin ng buong-pusong pagsuporta ng mga kapatid na nagsasalita ng Macedonian at Albanian ang kagustuhan ni Pablo na tumanggap ng atas na “pumunta ... sa Macedonia.”—Gawa 16:9.