ENERO 11, 2023
NORWAY
Ipinagkaloob ng Korte sa Norway ang Kahilingan ng mga Saksi ni Jehova na Huwag Alisin ng Gobyerno ang Ating Legal na Rehistro Bilang Isang Relihiyon
Noong Disyembre 30, 2022, ipinagkaloob ng Oslo District Court ang kahilingan ng mga kapatid natin na pansamantalang suspendihin ang utos ng gobyerno na alisin ang legal na rehistro ng mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon sa Norway. Kinailangan ito kasi sinabi ng County Governor ng Oslo at Viken ang desisyon nito na kanselahin ang ating pambansang rehistro. Pinapahintulutan tayo ng korte na panatilihin ang ating rehistro habang isinasaalang-alang pa ito ng korte. Hindi sang-ayon ang Ministry of Children and Families sa utos na ito ng korte.
Nakikinabang ang ating mga kapatid sa utos ng district court, pati na ang ilang nakatakdang magpakasal. Sa Norway, mga miyembro lang ng rehistradong relihiyon ang inaatasan ng gobyerno na magkasal. Nang ipatalastas ng gobyerno na hindi na nito irerehistro ang mga Saksi ni Jehova, ibig sabihin hindi na makakapag-atas ang mga Saksi ng magkakasal. Pero dahil sa utos na ito, pinapayagan pa rin ang mga magpapakasal na maikasal sa Kingdom Hall at isang Saksi ang magkakasal sa kanila.
Naapektuhan nito sina Brother André Bjørnstad at Sister Yasmin de Andrade Montelo na magpapakasal. Ang mga komento nila ay isinama sa injunction na isinumite noong Disyembre 28, 2022. Alam ni Brother Bjørnstad na maaaring kuwestiyunin ng ilan kung bakit gusto talaga nilang Saksi ni Jehova ang magkasal sa kanila. Sinabi niya: “Napakahalaga sa mga tao ang kanilang pananampalataya at paniniwala. Kapag hindi ito iginalang, parang nawalan ka na rin ng pagkakakilanlan.”
Bago nagpasiya ang gobyerno ng Norway na alisin sa rehistro ang mga Saksi ni Jehova, hindi na nito ibinibigay sa atin ang perang galing sa Estado na tinatanggap na natin sa loob ng mahigit 30 taon. Pinansiyal na tulong ito ng gobyerno na ibinibigay sa mahigit 700 nakarehistrong relihiyosong denominasyon sa bansa. Noong Disyembre 21, 2022, nagsampa ng kaso ang mga Saksi ni Jehova laban sa gobyerno ng Norway para baguhin ang desisyon nito.
Tinututulan ng gobyerno ng Norway ang paniniwala natin batay sa Bibliya at ang kaayusan natin sa pagtitiwalag. Hiniling pa nga ng gobernador na baguhin ng mga Saksi ni Jehova ang kaayusan sa pagtitiwalag para mapanatili ang kanilang rehistro. Ang pagkilos na ito laban sa mga Saksi ni Jehova ay hindi batay sa anumang opinyon ng mga dalubhasa o ng mga desisyon ng korte.
Sinabi ng gobernador na hindi nakakahadlang sa kalayaang sumamba ang hindi pagiging nakarehistro. Pero sa katulad na mga kaso may kaugnayan sa pagkakait ng rehistro sa ating organisasyon, ipinasiya ng European Court of Human Rights na ito ay paglabag sa kalayaang sumamba ng mga Saksi ni Jehova. a
Sinabi ni Brother Jørgen Pedersen, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Scandinavia: “Mapayapang sumasamba ang mga Saksi ni Jehova sa Norway sa loob ng mahigit 130 taon. Protektado ng Norwegian Constitution at ng European Convention on Human Rights ang ating mga karapatan at kalayaan. Kung papanig sa atin ang mga korte sa Norway, poprotektahan nito ang mga karapatan at kalayaan ng lahat ng mamamayan ng Norway.”
a Ang kaso ng Jehovah’s Witnesses of Moscow and Others v. Russia at ang kaso ng Religionsgemeinschaft der Zeugen Jehovas and Others v. Austria.