Pumunta sa nilalaman

Ang mga Sa’ad (ikalawa sa kaliwa) at tatlong iba pang mag-asawang Saksi na nabigyan ng birth certificate para sa mga anak nila

MARSO 2, 2016
PALESTINIAN TERRITORIES

Problema ng mga Saksi ni Jehova sa Palestinian Territories ang Karapatan sa Personal Status

Problema ng mga Saksi ni Jehova sa Palestinian Territories ang Karapatan sa Personal Status

Sina Mike Jalal at Natali Sa’ad ay miyembro ng maliit na grupo ng mga Kristiyanong Saksi ni Jehova sa Palestinian Territories. Kahit na legal silang ikinasal, hindi sila makakuha ng marriage certificate. Nahirapan din silang kumuha ng birth certificate para sa anak nilang si Andrae. At hindi sila nag-iisa. Problema rin ito ng ibang mag-asawang Saksi. Dahil hindi legal na kinikilala ang relihiyon ng mga Saksi sa Palestinian Territories, ipinagkakait ng gobyerno ang karapatan nila sa personal status.

Naaapektuhan ang mga Karapatan Dahil sa Hindi Pagkilala ng Gobyerno

Ikinasal ang mga Sa’ad sa Israel ng isang ministro ng mga Saksi ni Jehova. Pero hindi inirehistro ng Ministry of Interior sa Palestinian Territories ang kasal dahil hindi kinikilala na legal na relihiyon ang mga Saksi ni Jehova doon. Kaya ang mga anak nila ay hindi inirehistro ng Ministry of Interior dahil hindi itinuturing ng gobyerno na legal ang kasal. Paulit-ulit na umapela ang pamilyang Sa’ad at ang iba pang magulang na Saksi.

Naresolba ang Isyu Tungkol sa Birth Certificate

Noong 2014, tinanggap ng Ministry of Interior ang apela tungkol sa pagpaparehistro ng anak. Masaya ang mga Sa’ad dahil si Andrae (ipinanganak noong Enero 30, 2012) ay nairehistro na ng gobyerno. Masaya rin ang mga magulang nina Maya Jasmin, Laura, at Cristian, na nasa larawan sa itaas, dahil binigyan na ng Ministry of Interior ang mga anak nila ng birth certificate, na nagpapakilalang sila ay “Kristiyano.”

Ngayon, mayroon nang legal na papeles ang mga bata kaya may karapatan na sila bilang mamamayan. Puwede na silang magpunta sa ibang lugar kasama ng mga magulang nila at puwede na rin silang mag-enrol sa school.

Iba Pang Hindi Nareresolbang Karapatan sa Personal Status

Sa kabila ng magandang pagbabagong ito, hindi pa rin pinapayagan ang mga Sa’ad na magkaroon ng marriage certificate, pati na ang pitong iba pang mag-asawang Saksi. Dahil dito, nakakaranas sila ng diskriminasyon sa lipunan dahil itinuturing silang imoral—mga tao na nagsasama nang di-kasal.

Dahil sa hindi pagkilala ng gobyerno, kailangang magpasa ang mag-asawa ng magkaibang income tax. Hindi rin sila puwedeng magkaroon ng iisang bank account. Kung may medical emergency ang isa sa kanila, hindi puwedeng pumili ang asawa niya ng panggagamot para sa kaniya. Kung mamatay naman siya, hindi puwedeng manahin ng asawa o anak niya ang mga pag-aari niya. Hindi siya puwedeng ilibing ng pamilya niya ayon sa kaniyang Kristiyanong paniniwala. Dapat nila siyang ilibing sa sementeryo ng Islam sa isang lugar na para sa mga hindi Muslim.

Mga Pagsisikap Para Kilalanin ng Gobyerno

Noong Setyembre 2010, nagparehistro ang mga Saksi ni Jehova sa gobyerno ng Palestinian Territories. Pagkatapos maantala nang dalawang taon, nagpasa ng petisyon ang mga Saksi sa Mataas na Hukuman sa Ramallah para hilingin na kilalanin sila ng gobyerno. Pero noong Oktubre 2013, hindi ito tinanggap ng korte.

Mula noon, gumawa ng mga hakbang ang mga Saksi at nakipag-usap sa mga opisyal para maresolba ang isyu. Pero dahil kulang ang pagkilos ng mga opisyal ng gobyerno, hindi pa rin nareresolba ang isyu.

Sinabi ni Philip Brumley, general counsel ng mga Saksi ni Jehova: “Halos 100 taon nang may mga Saksi sa Ramallah at sa kalapit na mga lugar. Nagpapasalamat sila sa gobyerno dahil may kalayaan silang sumamba. Pero hindi pa rin legal na kinikilala ang mga Saksi ni Jehova dahil sa diskriminasyon sa relihiyon. Hindi ito dapat makaapekto sa kanilang karapatang pantao.”

Natutuwa ang mga Saksi ni Jehova na may positibong pagkilos ang gobyerno para sa karapatan nila na mabigyan ng birth certificate. Umaasa ang mga mag-asawa na mareresolba ng gobyerno ang isyu tungkol sa pagkakaroon ng marriage certificate, at higit sa lahat, kilalanin ng gobyerno ang kanilang relihiyon.