ABRIL 25, 2024
PARAGUAY
Itinampok ng mga Saksi ang Salita ng Diyos sa National Book Fair sa Paraguay
Noong Pebrero 28 hanggang Marso 10, 2024, idinaos sa Asunción, Paraguay ang taunang book fair na tinatawag na Libroferia Capel. Mga 10,000 tao na iba-iba ang edad ang nagpupunta rito taon-taon. Mahigit 160 kapatid ang nagpalitan sa pagbabantay sa isang booth na may displey na Bibliya at iba’t ibang publikasyong batay sa Bibliya na makikita sa jw.org. Ang mga ito ay nasa digital at inimprentang format sa Guarani, Paraguayan Sign Language, at Spanish.
Isang lalaki ang lumapit sa booth nang makita niya ang paskil tungkol sa libreng pag-aaral ng Bibliya. Ipinaliwanag ng mga brother kung paano natin ginagawa ang Bible study gamit ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Nang makita ng lalaki ang pamagat ng mga kabanata, nasabi niya: “Nasa Bibliya lang pala ang sagot sa lahat ng tanong na ’to!” Masayang-masaya rin siyang malaman na Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. Kinuha ng mga kapatid ang contact information niya para masimulan ang Bible study.
Sa ibang pagkakataon, isa pang lalaki ang nakipag-usap sa isa sa mga sister sa booth. Sinabi niya na natutuwa siyang makita na maraming impormasyon sa website natin sa wikang Guarani, Guaraní (Mbyá), at Nivaclé. Pinuri niya ang mga Saksi ni Jehova sa pagsisikap na isalin sa iba’t ibang katutubong wika ang mga literaturang batay sa Bibliya.
Sinabi ni Brother Daniele Sarcone, na tumulong sa pag-oorganisa ng mga boluntaryo: “Masaya kami dahil marami kaming nakausap na gustong matuto nang higit pa tungkol sa Bibliya.” Di-bababa sa 13 ang nagtanong tungkol sa iniaalok nating Bible study.
Masaya tayong malaman na parami nang parami sa Paraguay ang natututo tungkol sa Bibliya at kay Jehova.—Awit 119:160.