Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 17, 2019
PERU

Espesyal na Kampanya Para sa mga Nagsasalita ng Aymara sa Puno, Peru

Espesyal na Kampanya Para sa mga Nagsasalita ng Aymara sa Puno, Peru

Mula Mayo 1 hanggang Agosto 31, 2019, nagsaayos ng espesyal na kampanya ang sangay sa Peru para mapangaralan ang mga taga-Peru na nagsasalita ng Aymara, isang katutubong wika. Naging matagumpay ang kampanya. Ang mga sumama sa kampanya ay nakapamahagi ng 7,893 piraso ng publikasyon at nakapagpanood ng video nang mga 2,500 ulit. Sa pagtatapos ng kampanya, nakapagpasimula ang mga kapatid ng 381 Bible study.

Mga 450,000 ang nagsasalita ng Aymara sa Peru, at halos 300,000 sa mga ito ang nakatira sa rehiyon ng Puno. Sa ngayon, mayroong 331 mamamahayag na nagsasalita ng Aymara, na bumubuo sa pitong kongregasyon at walong grupo. Napakalawak ng teritoryo kumpara sa bilang ng mamamahayag sa Peru, kaya tumulong sa kampanyang ito ang mga mamamahayag na nagsasalita ng Aymara mula sa Chile. Para mapuntahan ang mga residenteng nagsasalita ng Aymara, kung minsan, kinailangang umakyat ng mga kapatid ng hanggang 5,000 metro mula sa lebel ng dagat at mangaral sa lamig na zero digri Celsius.

Naglakbay ang isang grupo nang ilang oras papunta sa lugar kung saan nagsama-sama ang mga tao mula sa kalapít na bayan para sa isang burol. Nakapangaral ang mga kapatid tungkol sa pag-asa ng patay. Nagpasalamat ang lokal na awtoridad at ang mga namatayan sa mga kapatid dahil sa kanilang pagsisikap na magbigay ng nakakapagpatibay na mensahe ng Bibliya.

Sa isa pang lugar, natagpuan ng mga kapatid ang isang grupo ng mga tao na nagkikita nang dalawang beses sa isang linggo para mag-Bible study. Nalaman ng mga mamamahayag na ginagamit ng grupong ito ang mga librong Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, na natanggap nila mula sa isang kamag-anak na nakatira sa Bolivia. Nang malaman nilang galing sa organisasyon natin ang mga libro, marami sa kanila ang nagpa-Bible study sa mga kapatid at dumalo sa mga pulong.

Sinabi ni Brother Albert Condor, isang elder na nanguna sa isang grupo: “Masayang-masaya kami ng asawa ko na nakasama kami sa kampanyang ito. Napatibay nito ang pananampalataya namin kay Jehova kasi no’ng papunta kami sa bayan, hindi namin alam kung paano kami makakarating doon dahil mahirap ang biyahe. Pagdating namin do’n, nanalangin kami kay Jehova na tulungan kaming makahanap ng matutuluyan. Sinagot niya kami. Napatibay ako sa panalanging iyon, pati na sa pagtitiwala ng mga kapatid kay Jehova.”

Masaya ang mga kapatid na ipangaral ang nagliligtas-buhay na katotohanan na nasa Salita ng Diyos sa mga nagsasalita ng Aymara sa Puno, Peru.—Apocalipsis 22:17.