AGOSTO 30, 2022
PILIPINAS
Ang Bantayan, 75 Taon Nang Available sa Tagalog
Sa Setyembre 1, 2022, magpipitumpu’t limang taon na ang Bantayan sa wikang Tagalog. Noon, mga 600 kopya kada isyu ang naipapamahagi. Pero ngayon, mahigit 1.2 milyong kopya na ang naipapamahagi kada isyu. Available na rin ito sa electronic format sa jw.org.
Noong 1908 pa lang, nakarating na sa Pilipinas ang mabuting balita. Nang magkaroon ng sangay noong 1924, mas naging organisado ang gawaing pangangaral. Nasa wikang English ang karamihan sa mga literatura noon. Pero nakita ng mga kapatid na malaking tulong kung isasalin ang mga literatura sa Tagalog.
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dumating sa Pilipinas ang mga misyonerong nagtapos sa Gilead na sina Earl Stewart, Victor White, at Lorenzo Alpiche noong Hunyo 14, 1947. Isinaayos agad ni Brother Stewart, ang bagong-hirang na lingkod ng sangay, na maisalin ng kuwalipikadong mga brother ang Bantayan sa Tagalog. Noong Setyembre nang taon ding iyon, dalawang edisyon na ng Bantayan ang naipapamahagi ng mga kapatid kada buwan.
Maraming translator noon ang nagtatrabaho sa umaga para suportahan ang mga pamilya nila, kaya sa gabi nila ginagawa ang pagsasalin. Sinabi ni Brother Hilarion Amores, isa sa mga translator noon: “Inaabot kami nang alas-dos ng madaling araw. Pero masaya kami kasi nakakatulong kami para magkaroon ng mga salig-Bibliyang publikasyon ang mga kapatid.”
Sa ngayon, mayroon nang 97,443 mamamahayag ang naglilingkod sa 1,126 na kongregasyong nagsasalita ng Tagalog sa Pilipinas. Mga 76.5 milyon ang nagsasalita ng Tagalog sa bansa, at may mahigit 115,000 mamamahayag na nagsasalita ng Tagalog sa buong mundo. Ipinapamahagi sa maraming bansa ang mga publikasyon sa Tagalog, at binabasa ang mga ito ng mga kapatid at interesado na nagsasalita ng Tagalog sa buong mundo.
Talagang nagpapasalamat tayo kay Jehova! Sa tulong ng organisasyon niya, naglalaan siya ng espirituwal na pagkain sa milyon-milyong tao sa buong mundo sa sarili nilang wika.—Mateo 24:45, 46.