Pumunta sa nilalaman

ABRIL 3, 2019
PILIPINAS

Naglabas ang mga Saksi ni Jehova ng Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Tatlong Wika sa Pilipinas

Naglabas ang mga Saksi ni Jehova ng Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Tatlong Wika sa Pilipinas

Sa espesyal na mga miting noong Enero 2019, inilabas ni Brother Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang Bibliya sa Cebuano, Tagalog, at Waray-Waray. Ang salin sa Cebuano ay inilabas sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City noong Enero 12. Kinabukasan naman, ang salin sa Waray-Waray ay ipinamahagi sa Leyte Academic Center sa Palo, Leyte. At noong Enero 20, ang salin sa Tagalog ay inilabas sa Metro Manila Assembly Hall sa Quezon City.

Isang pamilya ang nasisiyahan sa bagong kopya ng nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Cebuano.

Daan-daang Kingdom Hall ang naka-tie in sa programang ito, at mahigit 163,000 kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ang ipinamahagi.

Sinabi ni Brother Dean Jacek, mula sa tanggapang pansangay sa Pilipinas: “Ang salin sa Cebuano at Tagalog ay nirebisang bersiyon ng Bagong Sanlibutang Salin. Inabot nang mahigit tatlong taon ang bawat salin. Ang wikang Waray-Waray ay mayroon nang Kristiyanong Griegong Kasulatan, kaya ito ang unang pagkakataon na mae-enjoy ng mga mambabasa ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin sa wikang ito. Inabot nang limang taon ang proyekto.”

Sa Pilipinas, mahigit 60 porsiyento ng populasyon ang nagsasalita ng Cebuano, Tagalog, at Waray-Waray. Kasama diyan ang halos 160,000 kapatid, at ang mahigit sa 197,000 Bible study. Bukod diyan, libo-libo pang Filipino sa labas ng bansa ang masisiyahan ngayon sa lahat ng feature ng Bagong Sanlibutang Salin sa mga wikang ito.

Si Sister Donica Jansuy, na dumadalo sa kongregasyong Tagalog sa United States, ay nagsabi ng ganito matapos niyang ma-download ang bagong edisyon ng Bibliya: “Ang mga salita sa nirebisang salin ng Tagalog ay napakasimple, maliwanag, at napakadaling maintindihan. Dahil simpleng mga salita ang ginamit, parang kinakausap lang tayo ni Jehova nang personal, kaya mas madaling tatagos sa puso natin ang mensahe ng Bibliya.”

Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagsalin na ng buong Bagong Sanlibutang Salin o bahagi nito sa 179 na wika. Pinasasalamatan natin si Jehova sa pagtulong sa kaniyang bayan na makagawa ng maliwanag na salin ng kaniyang Salita para sa mga kapatid natin at sa mga pinapangaralan nila ng mensahe ng Bibliya.—Gawa 13:48.