Pumunta sa nilalaman

Si Brother Elnathan Lee (itaas) at si Brother Israel Aves (ibaba) mula sa sangay sa Pilipinas noong 2021 International Mother Language Conference and Festival na ginanap online

ABRIL 26, 2021
PILIPINAS

Pagsasalin ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas, Tinalakay sa 2021 International Mother Language Conference and Festival

Pagsasalin ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas, Tinalakay sa 2021 International Mother Language Conference and Festival

Ang International Mother Language Conference and Festival ay dinaluhan ng mga guro, mambabatas, researcher, at mga iskolar mula sa 12 bansa. Ginawa ito sa pamamagitan ng videoconference mula Pebrero 21 hanggang Marso 20, 2021. Si Dr. Ricardo Ma. Nolasco ng Department of Linguistics sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman ang chairman ng conference na ito. Inimbitahan niya sa conference ang mga representative ng sangay sa Pilipinas. Noong Marso 9, 2021, tinalakay nina Brother Elnathan Lee at Israel Aves, na parehong translator, ang tungkol sa pagsasalin na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Dinaluhan ng 320 katao ang videoconference.

Ayon kay Dr. Ricardo Ma. Nolasco, ipinapakita ng isang survey na ginawa sa buong Pilipinas na bukod sa mga textbook sa school, ang Bibliya ang publikasyon na may pinakamaraming mambabasa. Kaya ang isang sesyon ng conference ay may temang “Bible Translation in Philippine Languages” (Pagsasalin ng Bibliya sa mga Wika sa Pilipinas). Iyan ang tinalakay ng dalawang kapatid natin.

Tinalakay ni Brother Aves ang paksang “Accurate, Readable, or Both? Indigenous Languages and the Challenge of Bible Translation” (Tumpak, Madaling Basahin, o Pareho? Mga Katutubong Wika at ang Hamon sa Pagsasalin ng Bibliya). Ipinaliwanag niya kung paano tiniyak ng mga translator ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (NWT) na tumpak at madaling basahin ang salin nila. Sinabi ni Brother Aves sa mga tagapakinig: “Nakasentro sa pagtuturo ng Bibliya ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, kaya sinisikap naming maging available ang NWT kahit sa mga wikang kaunti lang ang gumagamit. Libre ito; puwede kayong mag-download o humingi ng kopya sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova para makita n’yo mismo na naisalin nila nang tumpak at madaling basahin ang Salita ng Diyos.”

Tinalakay naman ni Brother Lee ang pagsasaling ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo sa paksang “Gathering People of All Nations and Languages: The Borderless Translation Initiatives of Jehovah’s Witnesses” (Tinitipon ang mga Tao ng Lahat ng Bansa at Wika: Ang Pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na Magsalin sa Iba’t Ibang Wika). Sinabi niya na mahigit 6,000 translator at iba pang boluntaryo ang kasama sa gawaing ito. Ikinuwento din niya kung paano nagsimula ang ating gawaing pagsasalin noong huling dekada ng 1800’s at ang naging pagsulong nito hanggang sa ngayon. Binanggit niya na noong Nobyembre 2019, umabot na sa 1,000 ang wika sa jw.org—ang website na may pinakamaraming salin sa buong mundo.

Sa kaniyang konklusyon, sinabi ni Brother Lee: “Para sa mga translator ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, isang paglilingkod sa publiko ang gawain nila. Ang layunin nila ay makagawa ng mga salin na madaling maintindihan para matuto at mapatibay ang mga tao sa buong mundo.”

Natutuwa tayo na nabigyan tayo ng ganitong pagkakataon na masabi sa iba ang tungkol sa ginagawa nating pagsasalin. Mas kitang-kita ngayon na ang mabuting balita ay ipinapangaral “sa bawat bansa at tribo at wika.”—Apocalipsis 14:6.