ABRIL 3, 2024
PILIPINAS
Pitumpu’t Limang Taon ng Paglalathala ng Bantayan sa Wikang Cebuano at Pangasinan
Espesyal na petsa ang Abril 2024 pagdating sa paglalathala ng literatura sa Bibliya sa Pilipinas. Pitumpu’t limang taon na ang nakakaraan, noong Abril 1949, unang isinalin ang Bantayan sa mga wikang Cebuano at Pangasinan.
Nakarating sa Pilipinas ang mabuting balita tungkol sa Kaharian noong pasimula ng 1900. Ginagamit noon ng mga kapatid ang mga English na literatura sa ministeryo, pero nakita nilang kailangan ng mga publikasyon sa lokal na mga wika. Nagsimula noong 1947 ang pagsasalin ng Bantayan sa Tagalog, ang pinakamalaking wikang ginagamit sa Pilipinas. Pagkatapos, noong bandang dulo ng 1948, sinimulan na ang mga paghahanda para maisalin ang Bantayan sa Cebuano at Pangasinan. Makalipas lang ang ilang buwan, inimprenta na ang unang mga edisyon.
Sa sumunod na dalawang taon, isang maliit na mano-manong mimeograph machine ang ginamit ng mga kapatid sa sangay para gumawa ng mga kopya ng magasin. Pero dahil sa pagdami ng gustong magbasa ng mga magasin natin, inilipat na ang pag-iimprenta ng Bantayan sa wikang Cebuano at Pangasinan sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na nasa Brooklyn, New York, U.S.A., noon. a
Nagpapasalamat ang mga nagsalin ng Bantayan sa Cebuano at Pangasinan sa pribilehiyo nilang makabahagi sa gawaing pagsasalin. Naaalala pa ni Brother Juan Landicho, na naging bahagi ng Pangasinan translation team noong 1980’s: “Dati, maghihintay pa ng anim na buwan pagkalabas ng English na Bantayan bago magkaroon ng Pangasinan na Bantayan kasi kailangan pa itong isalin. Pero tuwang-tuwa kami noong 1986! Dahil sa pagsulong sa mga paraan ng pagsasalin, sabay nang nailalabas ang English at Pangasinan na edisyon. Damang-dama namin ang patnubay ng banal na espiritu ni Jehova sa mga pagsisikap namin.”
Ganito naman ang sinabi ni Sister Belen Cañete, na naglilingkod sa sangay sa Pilipinas at 46 na taon nang tumutulong sa pagsasalin ng mga literatura sa Bibliya sa Cebuano: “Noong nagsisimula pa lang ako, kaunti pa lang kami no’n na mga tagapagsalin, pero napakaraming gawain. Kung minsan, ang hirap. Pero ngayon, mayroon na kaming mga katrabaho na sinanay nang mabuti, bukod pa sa pinakamaganda at pinakabagong teknolohiya at mga kagamitan. Talagang nakita ko kung paano ginagawa ni Jehova na ginto ang tanso at tinitiyak na mapapangalagaang mabuti ang mga lingkod niya.”
Mahigit 26 na milyon ang nagsasalita ng Cebuano sa Pilipinas, kasama na ang 76,000 kapatid na naglilingkod sa 1,150 kongregasyong nagsasalita ng Cebuano. Mayroon ding halos 2 milyon na nagsasalita ng Pangasinan at mga 6,000 kapatid sa 68 kongregasyong nagsasalita ng Pangasinan. Sa kabuoan, pinapangasiwaan ngayon ng sangay sa Pilipinas ang pagsasalin sa 24 na wika. Buwan-buwang inilalathala ang Bantayan sa 10 sa mga wikang ito. Sa ngayon, ang sangay sa Japan ang nag-iimprenta ng mga literatura sa Bibliya sa wikang Cebuano at Pangasinan.
Pinasasalamatan natin si Jehova dahil pinagpala niya ang gawaing pagsasalin sa Cebuano at Pangasinan. Dahil diyan, mas mauunawaan na ng mga uháw sa katotohanan ang Salita niya!—Isaias 55:1.
a Nasa Warwick, New York, U.S.A., na ngayon ang Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova