ENERO 21, 2015
PILIPINAS
Isang Taon Matapos ang Bagyong Haiyan, Mga Biktima Lumipat sa Kanilang Bagong Tahanan
MAYNILA, Pilipinas—Pagkatapos ng Super Typhoon Haiyan, ang mga Saksi ni Jehova ay naglunsad ng malawakang programa ng konstruksiyon para magtayo o magkumpuni ng halos 750 tahanan sa loob ng wala pang isang taon.
Ganito ang paliwanag ni Dean Jacek, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas: “Tunguhin naming matapos ang gawain pagsapit ng Setyembre 2014. Nagsimula ang pagtatayo noong mga unang buwan ng 2014 at, sa tulong ng napakaraming boluntaryo, natapos ang konstruksiyon bago ang katapusan ng Agosto.”
Para tustusan ang proyektong ito, ginamit ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang mga donasyong ipinadala ng mga kapananampalataya mula sa buong daigdig. Ang tanggapang pansangay ng mga Saksi, na nasa Maynila, ay bumuo ng mga relief committee para organisahin ang gawaing pagtatayo sa mga lugar na sinalanta ng bagyo. Kasama rito ang pagkukumpuni o pagtatayo ng 167 tahanan sa Tacloban City, 256 sa Ormoc City, 101 sa Cebu City, at 218 naman sa Roxas City. Nagboluntaryo sa gawain ang 522 Saksi mula sa Pilipinas at 90 Saksi mula sa ibang bansa.
Sinabi Mr. Ferdinand Martin G. Romualdez, kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte: “Mga Saksi ni Jehova ang kabilang sa mga unang non-government group na kusang nagsagawa ng proyekto ng pagtatayo ng mga bahay. . . . Kulang ang mga salita para ipahayag ang pagpapahalaga at pasasalamat ng aking pamilya at mga kababayan.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Pilipinas: Dean Jacek, tel. +63 2 411 6090