ENERO 14, 2013
PILIPINAS
Pilipinas, Hinagupit ng Bagyong Pablo
MAYNILA, Pilipinas—Mahigit 1,000 katao ang namatay at mahigit 970,000 ang napilitang lumikas nang manalasa ang isang napakalakas na bagyo sa Pilipinas noong Disyembre 4, 2012, Martes. Makalipas ang isang buwan, patuloy ang pagtulong ng mga Saksi ni Jehova sa mga biktima ng Bagyong Pablo (Bagyong Bopha, internasyonal na pangalan).
Noong Enero 7, kinumpirma ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Maynila ang malungkot na balitang limang Saksi ang namatay dahil sa bagyo. Isa ang naospital dahil sa matinding pinsala sa gulugod. Bukod diyan, mga 520 pamilyang Saksi ang napilitang lumikas; 140 tirahan nila ang nawasak at 400 iba pa ang nasira.
Ang mga kinatawan ng tanggapang pansangay ay bumisita sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo para alamin ang laki ng pinsala, mag-organisa ng tulong para sa mga biktima, at magbigay ng kaaliwan at espirituwal na pampatibay sa mga nakaligtas. Ang mga Saksi ay bumuo ng relief committee para mag-organisa ng pitong relief center at tumulong sa mga lokal na boluntaryo sa pamamahagi ng mga suplay.
Sa ilang bahagi ng bansa, winasak ng bagyo ang mga pangunahing pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan, gaya ng mga palayan, plantasyon ng saging, at taniman ng niyog. Kaya naman ang relief committee ng mga Saksi ay nagpadala ng mga trak para maghatid ng halos 13,000 kilong suplay ng pagkain. Pero isang lugar na apektado ng bagyo ang muntik nang hindi mapaabutan ng suplay dahil nasira ang isang tulay.
Sinira ng Bagyong Pablo ang 15 dako ng pagsamba, na tinatawag na Kingdom Hall, at winasak ang 2 iba pa. Ang mga Kingdom Hall na hindi nasira ay naging pansamantalang tirahan ng mga lumikas. Isinasaayos na ng relief committee na mailipat ang mga biktima sa maayos na tirahan.
Ang pondo para sa lahat ng kaayusang ito ay galing sa mga donasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas at sa iba pang panig ng mundo. Sa pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang mga pondo para sa pambuong daigdig na gawain ng mga Saksi ay ginagamit para sa gayong mga gastusin.
Ganito ang sinabi ni Dean Jacek, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas: “Nagdadalamhati kami sa pagkamatay ng aming mga kaibigan at kapananampalataya, at nalulungkot kami sa pinsalang dulot ng bagyong ito. Pero patuloy naming gagawin ang aming makakaya para tulungan ang mga biktima, kasama na ang pagbibigay ng espirituwal na tulong at kaaliwan sa aming kapuwa.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Pilipinas: Dean Jacek, tel. +63 2 411 6090