PEBRERO 17, 2014
PILIPINAS
Update: Kumilos ang mga Saksi ni Jehova Para Tulungan ang mga Biktima ng Super Typhoon Haiyan
MAYNILA, Pilipinas—Bilang tugon sa napakalaking pinsalang dulot ng Super Typhoon Haiyan, nag-organisa ang mga Saksi ni Jehova ng pagtulong sa mga biktima ng bagyo sa Pilipinas.
Ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Maynila ay bumuo ng limang disaster relief committee para mapadali ang pagtulong sa mga biktima. Mahigit 190 toneladang suplay ang naipadala na sa gitnang bahagi ng Pilipinas. Nagboluntaryong tumulong ang mga Saksi mula sa di-kukulangin sa 10 bansa. Ang mga boluntaryo ay tumutulong sa pagtatayo at pagkukumpuni ng mahigit 2,000 bahay o pagbibigay ng tulong medikal.
Mga 225 biktima pa rin ang nasa mga toldang ginawa ng mga Saksi sa isang relocation site malapit sa Calbayog City, Samar. Mga 15 hanggang 20 porsiyento ng mga humihingi ng tulong dito ay mga di-Saksi.
Ang bilang ng mga namatay sa masasabing isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa ay umabot ng 6,201 at 1,785 pa ang nawawala. Mga 28,000 ang nasaktan at mahigit 1 milyong bahay ang nasira. Kinumpirma ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas na 33 Saksi ang namatay at 10 ang nawawala at ipinapalagay na patay na rin.
Sa loob ng pitong araw mula noong Disyembre 7, 2013, si Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay dumalaw sa limang naapektuhang probinsiya. Sinabi niya: “Ang trahedyang dulot ng Bagyong Haiyan ay damang-dama pa rin ng marami sa Pilipinas; pero nakahanda kami sa patuloy na pagbibigay ng kinakailangang mga suplay, manggagawa, at kaaliwan para tulungang maka-recover ang mga biktima.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Philippines: Dean Jacek, tel. +63 2 411 6090