PEBRERO 20, 2019
PUERTO RICO
Natapos Na ang Relief Work sa Puerto Rico
Opisyal nang natapos ng mga Saksi ni Jehova ang malawakang relief work sa Puerto Rico noong Setyembre 2018, isang taon matapos hagupitin ang isla ng Bagyong Irma at Bagyong Maria. Kinailangan ang libo-libong boluntaryo mula sa sakop ng sangay ng United States.
Ang Disaster Relief Committee, na binuo ng sangay ng United States, ay nag-organisa ng 10,000 mamamahayag mula sa Puerto Rico para tumulong sa relief effort. Mayroon ding 8,000 kapatid mula pa sa Alaska, Bahamas, at Hawaii na nagboluntaryong tumulong sa gawain.
Sa panahon ng proyekto, kinumpuni ng mga boluntaryo ang 106 na Kingdom Hall at 2 Assembly Hall na sinira ng mga bagyo. Bukod diyan, 783 bahay ng mga kapatid ang kinumpuni at 73 naman ang muling itinayo. Marami sa mga kapatid na apektado ng mga bagyo ang nakatanggap din ng tulong mula sa ahensiya ng gobyerno o sa kompanya ng homeowners insurance.
Sinabi ni Lorne Kowert, na naglilingkod sa Disaster Relief Desk sa sangay sa United States: “Ngayong tapos na ang trabaho, ang alaala ng mga nagawa ay patuloy na magpapalakas hindi lang sa ating mga kapatid na apektado ng bagyo kundi maging sa mga tumulong sa gawaing pagtatayo.”
Kasama ng mga kapatid natin sa Puerto Rico, nagpapasalamat tayo sa pag-ibig at malasakit ni Jehova sa pamamagitan ng pambuong-daigdig na kapatiran.—1 Pedro 5:7.