Pumunta sa nilalaman

ENERO 15, 2020
PUERTO RICO

Niyanig ng Malalakas na Lindol ang Puerto Rico

Niyanig ng Malalakas na Lindol ang Puerto Rico

Noong Enero 7, 2020, isang 6.4 magnitude na lindol ang yumanig sa Puerto Rico, na sinundan ng daan-daang aftershock. Noong umaga ng Enero 11, nagkaroon naman ng isang 5.9 magnitude na lindol sa isla.

Isang kongregasyon sa Castañer, Lares na nagpupulong kahit walang kuryente

Marami sa mga naapektuhang lugar ang wala pa ring kuryente, at ang mga tagaroon ay tumira muna sa labas ng bahay nila. Iniulat ng sangay sa United States na walang kapatid na nasaktan o namatay. Pero 248 sa kanila ang inilikas. May 8 bahay ng mga kapatid na nawasak at 70 iba pa na nasira. Sampung Kingdom Hall din ang nasira. Nag-oorganisa ang isang Disaster Relief Committee, kasama na ang mga tagapangasiwa ng sirkito doon, ng relief at ng pagdalaw para mapatibay ang mga kapatid na naapektuhan.

Sa kabila ng mahirap na kalagayan, patuloy pa rin ang mga kapatid sa kanilang espirituwal na gawain. Sinabi ni Brother Robert Hendriks, na mula sa Public Information Desk ng tanggapang pansangay sa United States: “Hindi sanay ang mga taga-Puerto Rico sa ganitong sakuna kaya talagang nag-aalala ang mga kapatid natin. Pero napapatibay kami sa pagiging positibo nila. Kung kaya nila, ipinagpapatuloy nila ang mga pulong at pangangaral kahit na wala silang kuryente o tubig. Ginagawa ng mga elder ang kanilang makakaya para patibayin at suportahan ang mga nangangailangan.”

Maraming kapatid ang tumira sa labas ng bahay para makaiwas sa posibleng pinsala kapag lumindol ulit

Napapatibay tayo dahil kahit nasalanta ang mga kapatid, hindi nila pinapabayaan ang espirituwal na mga bagay. Dalangin natin na patuloy silang bigyan ni Jehova ng kapayapaan ng isip.—Awit 119:165.