Pumunta sa nilalaman

HULYO 20, 2020
ROMANIA

Relief Work Para sa mga Kapatid sa Romania, Pinuri ng Mayor

Relief Work Para sa mga Kapatid sa Romania, Pinuri ng Mayor

Noong Hunyo 2020, naapektuhan nang husto ng malalakas na ulan at pagbaha ang bayan ng Rodna sa Transylvania, Romania. Anim na bahay ng mga kapatid ang nasira. Noong Hunyo 27, 2020, inorganisa ng tagapangasiwa ng sirkito at mga elder sa Rodna ang isang grupo ng 25 kapatid mula sa tatlong kalapít na kongregasyon para tumulong sa agarang pangangailangan ng mga kapatid na naapektuhan. a Dahil sa pagtutulungan ng mga kapatid, pinuri sila ng mayor ng Rodna sa isang interbyu sa kaniya sa telebisyon.

Ang bayan ng Rodna ay nasa isang lambak na may maraming ilog. Dahil sa baha, naging maputik ang mga daan at nagkalat ang mga debri sa kalsada, kaya mahirap puntahan ang bayan. Ang bahay ng isang sister ay nasa lugar kung saan nahirapan ang mayor sa Rodna at ang team niya sa paglilinis ng putik at pag-aalis ng mga debri. Pagdating ng mga kapatid, tumulong sila sa mayor at sa team nito para mapuntahan ang bahay ng sister at malinis ito. Kaya naman nakatulong din sila sa relief work ng mga awtoridad.

Pagkatapos, pinuri ng mayor ang mga kapatid nang interbyuhin siya sa telebisyon. Sinabi niya: “Gusto kong i-share sa inyo ang isang napakagandang halimbawa. Talagang na-touch ako dito. . . . Noong unang araw, gumamit kami ng dump truck at backhoe, pero hindi namin kayang alisin ang mga debri. Nasalanta nang husto ang lugar. Kinabukasan, tinulungan kami . . . ng mahigit 30 [katao], mga boluntaryong Saksi ni Jehova. Naalis namin ang mga debri nang araw ding iyon!” Sinabi pa niya: “Talagang nakatulong sila sa paglilinis sa lugar na iyon. Maraming salamat sa kanila!”

Nag-post din siya sa isang website ng mensahe para sa mga kapatid. Sinabi niya: “Biyayaan sana kayo ni Jehova at bigyan niya kayo ng mahabang buhay, mabuting kalusugan, at marami pang magagandang bagay!”

Pinapatunayan ng karanasang ito mula sa Romania na ang mabuting paggawi natin ay nagbibigay ng kaluwalhatian sa ating Ama sa langit, si Jehova.​—1 Pedro 2:12.

a Maraming pagtatayo ang itinigil dahil sa pandemic, pero kailangang makumpuni agad ang mga bahay na ito.