MARSO 18, 2021
RUSSIA
Apat na Brother Mula sa Birobidzhan, Posibleng Mabilanggo
Iskedyul ng Paghatol
Malapit nang ilabas ng Birobidzhan District Court ng Jewish Autonomous Region ang hatol nito sa kaso nina Brother Alam Aliyev, Valeriy Kriger, Sergey Shulyarenko, at Dmitriy Zagulin. a
Profile
Alam Aliyev
Ipinanganak: 1963 (Lyaki Village, Azerbaijan)
Maikling Impormasyon: Naglingkod sa militar ng Soviet Union sa Germany. Pagkatapos, nagtrabaho sa barkong pangisda. Lumipat sa Khabarovsk, Russia, noong 1989. Nagtatrabaho ngayon sa isang pabrika
Nag-aral ng Bibliya di-nagtagal pagkalipat sa Russia. Nabautismuhan noong 1991. Napangasawa si Svetlana noong 2015. Mahilig silang mamasyal
Valeriy Kriger
Ipinanganak: 1968 (Jewish Autonomous Region)
Maikling Impormasyon: Lumaki sa isang di-relihiyosong pamilya. Mahilig sa gymnastics noong bata pa. Nag-aral ng massage therapy at ito na ang negosyo niya. Nabautismuhan noong 1994. Napangasawa si Natalya noong 2017. Mahilig silang maglaro ng volleyball at mamasyal
Sergey Shulyarenko
Ipinanganak: 1984 (Khabarovsk)
Maikling Impormasyon: Tumira sa Turkmenistan noong bata pa habang sundalo doon ang tatay niya. Naging assistant siya ng machinist. Mahilig magdrowing ng mga portrait at mag-aral ng ibang wika. Natutuhan niya sa kaniyang nanay ang tungkol kay Jehova. Nabautismuhan noong 1997 sa edad na 13
Dmitriy Zagulin
Ipinanganak: 1973 (Khabarovsk)
Maikling Impormasyon: Noong bata pa siya, gusto niyang magsundalo. Nag-aral ng martial arts at sinanay sa paggamit ng parachute. Nagtatrabaho ngayon sa isang railroad company. Nag-aral ng Bibliya noong 1991. Nabautismuhan noong 1992. Napangasawa si Tatyana noong 2012
Kaso
Noong Mayo 17, 2018, 150 pulis ang nagsagawa ng sunod-sunod na raid sa Birobidzhan na tinawag na “Araw ng Paghuhukom.” Si Brother Alam Aliyev ay inakusahan at ikinulong nang walong araw bago pa man litisin sa salang “pag-oorganisa ng mga gawain ng isang ekstremistang organisasyon.” Inakusahan din sina Brother Valeriy Kriger, Sergey Shulyarenko, at Dmitriy Zagulin. Silang apat ay hindi puwedeng umalis sa kanilang lugar. Lalo pa silang na-stress nang akusahan din ang mga asawa nina Alam, Valeriy, at Dmitriy.
Bago pa maaresto si Alam, nag-research na siya kung paano magtitiis kapag pinag-uusig. Ibinahagi rin niya ang mga natutuhan niya sa mga kapatid sa kongregasyon. Sinabi niya: “Pinatibay ko ang mga kapatid na huwag matakot kapag pinag-usig sila. Saktong-sakto ’yon, kasi makalipas lang ang isang linggo, hinalughog ang mga bahay ng 21 pamilya sa aming kongregasyon.”
Hindi nakadalo si Valeriy at ang asawa niyang si Natalya sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Seoul, South Korea, dahil pinagbawalan silang maglakbay. Hindi rin sila pinayagang bisitahin ang kaniyang mga magulang na nakatira sa Israel. Nakakalungkot, namatay ang tatay niya noong Pebrero 2019. Mga ilang buwan bago nito, inoperahan ang nanay niya sa gulugod at kailangan nito ng tagapag-alaga. Kumbinsido si Valeriy na tinulungan siya ni Jehova. Kahit na hindi Saksi ni Jehova ang mga magulang niya, ang kaniyang Kristiyanong mga kapatid ang nag-alaga sa kaniyang nanay. Sinabi niya: “Nanalangin kami kay Jehova tungkol sa kalagayan ng nanay ko, at sinagot ni Jehova ang mga panalangin namin. Pinatibay ng ating mga kapatid sa Israel ang nanay ko. Dinalaw nila siya, kinausap, at inanyayahan sa mga pulong. Kahit na hindi namin makasama si nanay, nakita namin ang tulong ni Jehova sa pamamagitan ng ating internasyonal na kapatiran.”
Para kay Dmitriy, pinatunayan ng pag-uusig ang isang bagay na alam na niya. Sinabi niya: “Kapag maganda ang buhay at walang pagbabawal sa ating pagsamba, baka hindi natin pahalagahan kung gaano kasaya ang maglingkod kay Jehova at maturuan niya. Pero kapag pinagbawalan na tayo ng mga awtoridad na malayang sambahin ang Diyos, saka natin mauunawaan kung gaano kahalagang gawin ang ating buong makakaya na maging malapít kay Jehova at paghandaan ang pag-uusig. Makakabuti nga na gamitin ang kalayaan natin ngayon para ‘mag-imbak . . . ng mga kayamanan sa langit.’ Tutulong ito sa atin na magtiis hanggang sa wakas at patuloy na patibayin ang ating pananampalataya.”—Mateo 6:20.
Tiyak na binibigyan ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan” ang mahal nating mga kapatid sa Russia para makapagtiis.—2 Corinto 4:7.
a Hindi laging ipinapaalám kung kailan ang petsa ng paghatol ng korte.