OKTUBRE 2, 2020
RUSSIA
Apat na Brother at Isang Mag-asawa, Puwedeng Mabilanggo Nang Hanggang Pitong Taon sa Russia
Iskedyul ng Paghatol
Sa Oktubre 5, 2020, * ibababa ng Zasviyazhsky District Court ng City of Ulyanovsk ang hatol nito kina Brother Aleksandr Ganin, Khoren Khachikyan, Andrey Tabakov, at Mikhail Zelenskiy, pati na kay Brother Sergey Mysin at sa asawa niyang si Nataliya. Lahat sila ay puwedeng mabilanggo nang tatlo hanggang pitong taon. Hiniling din ng prosecutor sa korte na kumpiskahin ang pera at sasakyan ng mga kapatid—na sa kabuoan ay umaabot ng mga 1.57 milyong ruble ($20,000 U.S.).
Profile
Aleksandr Ganin
Ipinanganak: 1957 (Ekhabi, Sakhalin Island)
Maikling Impormasyon: Mahigit 20 taon nang Saksi ni Jehova. Retirado at mahilig sa paghahalaman
Khoren Khachikyan
Ipinanganak: 1985 (Yerevan, Armenia)
Maikling Impormasyon: Nagtapos ng economics. Mahilig sa kompetisyon noong kabataan pa siya. Kilala na mahinahon at mabait na tao
Nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova dahil gusto niyang mas makilala pa ang Diyos at masunod ang mga utos nito. Nagustuhan niya ang pangangatuwiran ng Bibliya at nakita niya na hindi nagkakasalungatan ang mga turo nito
Sergey Mysin
Ipinanganak: 1965 (Kulebaki, Nizhny Novgorod Region)
Maikling Impormasyon: Habang nag-aaral siya ng engineering, nakilala niya ang naging asawa niya na si Nataliya. Nagpakasal sila noong 1991. Mahigit 20 taon na silang naglilingkod kay Jehova at may dalawa silang anak. Mahilig sa sports, lalo na ang larong lacrosse
Nataliya Mysina
Ipinanganak: 1971 (Leningrad, kilalá na ngayon na Saint Petersburg)
Maikling Impormasyon: Ipinanganak sa isang pamilya na may sundalo. Tumira sa Germany bago nagtapos bilang pharmacist. Mahilig magluto at mag-bake
Andrey Tabakov
Ipinanganak: 1973 (Minsk, Belarus)
Maikling Impormasyon: Nagtatrabaho bilang information technologist. Noong 2006, napangasawa niya si Marina. Nakipag-aral sila sa mga Saksi ni Jehova at nabautismuhan. Mahilig sa electronics, lalo na sa radyo at computer
Mikhail Zelenskiy
Ipinanganak: 1960 (Bulaesti, Moldova)
Maikling Impormasyon: Dating marino at truck driver. Noong 1989, napangasawa niya si Victoria. Noong mga taon bago ang 1995, nagsimula silang mag-aral ng Bibliya. Minahal nila si Jehova at nabautismuhan
Kaso
Mga tatlong taon na ang nakakaraan, minanmanan ng Federal Security Service (FSB) ng Russia ang gawain ng mga kapatid sa Ulyanovsk. Kasama na rito ang pagrerekord ng mga pag-uusap ng mga kapatid sa telepono. Noong Pebrero 24, 2019, nagsagawa ng imbestigasyon ang FSB sa mag-asawang Mysin, at kina Brother Khachikyan, Tabakov, at Zelenskiy.
Pagkalipas ng tatlong araw, ni-raid ng mga pulis ang bahay nina Brother Khachikyan, Tabakov, at Zelenskiy noong 5 n.u. Inaresto silang lahat at pansamantalang idinitine. Noong umaga ring iyon, nakatanggap ng tawag si Sister Mysina. Sinabi sa kaniya na nasira ang kotse niya at sinabihan silang mag-asawa na lumabas ng bahay. Nang buksan ni Brother Mysin ang pinto, pinasok ng FSB ang apartment nila at hinalughog. Kinuha rin ang mga gadyet nila. Pagkatapos, inaresto silang mag-asawa.
Kinabukasan, ibinilanggo bago pa man litisin si Brother Mysin ng Leninsky District Court ng Ulyanovsk Region. Naka-house arrest naman si Sister Mysina at ang tatlo pang brother.
Nabilanggo si Brother Mysin nang 55 araw at 123 araw naman siyang naka-house arrest. Si Sister Mysina at sina Brother Khachikyan, Tabakov, at Zelenskiy ay naka-house arrest nang 50 hanggang 55 araw.
Noong umaga ng Mayo 15, 2019, hinalughog ng FSB ang bahay ni Brother Ganin, at inaresto siya. Dalawang araw siyang ibinilanggo.
Ang anim na kapatid na ito ngayon ay nasa ilalim ng ilang restriksiyon ng gobyerno. Pero patuloy silang pinag-uusig sa iba’t ibang paraan ng mga nasa awtoridad. Ipinasara ng lokal na awtoridad ang bank account ng mag-asawang Mysin na may lamáng halos 500,000 ruble ($6,313 U.S.) at ang kay Brother Tabakov na may lamáng 600,000 ruble ($7,575 U.S.).
Habang naninindigan ang mga kapatid natin sa Russia, ipinapanalangin nating patuloy silang mapatibay ng salita ng salmista: “Ang Diyos ang ating kanlungan at lakas, handa siyang tumulong kapag may mga problema.”—Awit 46:1.
[Footnote]
^ Posible pang magbago