Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Sina Aleksey Budenchuk, Konstantin Bazhenov, Feliks Makhammadiyev, Aleksey Miretskiy, Roman Gridasov, at Gennadiy German, bago sila arestuhin

PEBRERO 17, 2020
RUSSIA

Binugbog ng mga Guwardiya sa Bilangguan ang Limang Brother sa Orenburg, Russia

Binugbog ng mga Guwardiya sa Bilangguan ang Limang Brother sa Orenburg, Russia

Noong Pebrero 6, 2020, sa Penal Colony No. 1 (kampong piitan) sa Orenburg, Russia, pinagbubugbog at pinagpapalo ng mga guwardiya sa bilangguan ang limang brother—sina Aleksey Budenchuk, Gennadiy German, Roman Gridasov, Feliks Makhammadiyev, at Aleksey Miretskiy. Dinala sa ospital si Brother Makhammadiyev matapos mabalian ng tadyang at mapinsala ang baga at bato niya. Sina Brother Budenchuk, Brother German, Brother Gridasov, at Brother Miretskiy ay ikinulong sa isang selda na ginagamit bilang parusa dahil sa maling mga paratang. Kasama sa mga paratang ang paninigarilyo—isang gawaing ipinagbabawal ng mga Saksi ni Jehova.

Gaya ng inireport noong Setyembre 19, 2019, sinentensiyahan ni Judge Dmitry Larin ng Leninsky District Court sa Saratov ang limang brother, kasama ang ikaanim na brother na si Konstantin Bazhenov. Ibibilanggo sila nang dalawa hanggang tatlo at kalahating taon. Noong Disyembre 20, 2019, ibinasura ng Saratov Regional Court ang apela nila. Pagkalipas ng ilang linggo, ang anim na brother ay inilipat sa bilangguan. Si Brother Bazhenov ay dinala sa Penal Colony No. 3 sa Ulyanovsk Region, kaya hindi siya kasama sa mga binugbog sa Penal Colony No. 1.

Noong Pebrero 6, 2020, binugbog ang limang brother pagdating nila sa Penal Colony No. 1. Hindi sila agad pinatingnan sa doktor. Nang sumunod na araw, nagkaroon ng mataas na lagnat si Brother Makhammadiyev at may nakitang dugo sa ihi niya. Tumawag lang ng ambulansiya ang mga opisyal ng bilangguan pagkatapos pilitin si Brother Makhammadiyev na pumirma ng dokumento na nagsasabing siya ay “nadulas sa CR at bumagsak.” Naospital si Brother Makhammadiyev at inoperahan—naglagay ng stent sa baga niya para maalis ang naipong tubig sa loob. Lumabas sa mga test kay Brother Makhammadiyev na ginutom siya; hindi siya nakakakain dahil kinumpiska ng mga opisyal ng bilangguan ang pagkain na kailangan niya para sa kaniyang celiac disease.

Nalulungkot tayo para sa mga kapatid sa Russia na nakakaranas ng kawalang-katarungan at pang-aabuso. Pero nagtitiwala tayong patuloy silang tutulungan ni Jehova habang tapat silang nagtitiis.—Filipos 1:27, 28.