MAYO 24, 2021
RUSSIA
Brother Albert Batchaev, Nananatiling Tapat Habang Nasa Pretrial Detention at Naka-house Arrest
UPDATE | Brother Albert Batchaev, Hinatulang Mabilanggo ng Korte sa Russia
Noong Disyembre 6, 2021, hinatulan ng Cherkessk City Court ng Karachaevo-Cherkessk Republic si Brother Albert Batchaev ng suspended prison sentence na anim na taon. Hindi siya kailangang mabilanggo sa ngayon.
Profile
Albert Batchaev
Ipinanganak: 1976 (Karachayevsk)
Maikling Impormasyon: May tatlong kapatid na babae at isang kapatid na lalaki. Namatay ang nanay niya at inaalagaan niya ang may-edad niyang tatay. Nag-aral ng abogasya sa isang paaralang militar at naging opisyal sa kriminal na mga imbestigasyon
Nag-aral ng Bibliya at nakumbinsi na totoo ang sinasabi nito. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 2004. Napangasawa si Zhanna noong 2007. Trabaho niya ngayon ang pagkakabit ng mga pinto. Nalilimitahan ang pisikal niyang gawain dahil sa mahinang kalusugan. Sila ni Zhanna ay mahilig mamasyal at maglakad sa kabundukan sa kanilang lugar
Kaso
Noong Disyembre 16, 2019, ni-raid ng mga agent ng Federal Security Service (FSB) ang maraming bahay sa lunsod ng Cherkessk. Bilang resulta, maraming kapatid ang idinitine.
Isang araw pagkatapos ng raid, pinalaya ang lahat maliban kay Brother Albert Batchaev. Ipinag-utos na ilagay siya sa detention center nang di-bababa sa 72 oras at kinasuhan ng pangunguna sa iba na umawit at manalangin kay Jehova. Pagkatapos sampahan ng kasong kriminal si Albert, iniulat ng mga kaibigan at kakilala niya na sinusubaybayan sila ng mga pulis.
“Nang ikulong nila ako sa detention facility at isara ang mabigat, lumalangitngit na pintong bakal sa selda na may mga kadena, nag-alala ako,” ang kuwento ni Albert. “Akala ko hindi na ako makakalabas doon; pakiramdam ko, doon na ako mamamatay. Alalang-alala ako sa asawa ko at sa mga kapatid.”
Halos dalawang buwan si Albert sa pretrial detention, at pagkatapos, ipina-house arrest siya. Pagkaraan ng isang linggo, inilagay ulit siya sa pretrial detention, pero ngayon naman, sa loob ng pitong linggo. Sinabi ni Albert: “Sa bilangguan, lalo na noong nakabukod ako, naisip ko na napakahalaga talaga ng regular na espirituwal na rutin at pagiging abala sa gawaing pangkaharian. Pinalakas ako no’n para hindi ako manghina at mawalan ng pananampalataya, pagtitiis, pag-asa, o pag-ibig kay Jehova at sa aking kapuwa.”
Nakakuha siya ng Bibliya, na bihira doon sa bilangguan. Sinabi ni Albert: “Ang Bibliya ang nakatulong sa akin na magtiis. Dahil do’n, hindi ako masyadong nalungkot at nakayanan ko ang hirap na mapalayo sa mga mahal ko sa buhay.” Mas naiintindihan na niya ngayon ang nararamdaman ng tapat na mga karakter sa Bibliya na nakaranas ng matinding hirap at pagkabilanggo. Sinabi niya: “Noong nakabilanggo ako, naging totoong-totoo sila, at napalapít sila sa akin. Parang nadagdagan ang mga kaibigan ko.”
Noong Abril 2020, ipina-house arrest ng korte si Albert sa loob muna ng dalawang buwan. Apat na beses na itong na-extend. Ang huling extension ay nagsimula noong dulo ng Marso at matatapos sa dulo ng Hunyo 2021.
Alam nating patuloy na papatibayin at pangangalagaan ni Jehova si Brother Batchaev at ang lahat ng tapat na lingkod Niya na pinag-uusig.—1 Cronica 29:12.